TINAWAG minsan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Sen. Richard Gordon o ang Philippine Red Cross (PRC) na “mukhang pera.” Ang pagtawag ay nangyari nang tumanggi si Gordon o ang PRC na magsagawa ng COVID-19 test sa mga tao dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth ng mahigit sa P1 bilyon utang nito.
Napikon si Gordon, chairman ng Red Cross, sa pagtawag sa kanya ng Pangulo na “mukhang pera.” Iginiit niya na may utang ang PhilHealth kung kaya dapat lang itong magbayad dahil kailangan din nila ng perang pambili ng testing kits sa ibang bansa, partikular sa China.
Dahil dito, nagbayad ang PhilHealth ng P500 milyon kung kaya may utang pa itong mahigit sa P500 milyon. Sa mga report noong Lunes, muling naniningil ang PRC sa PhilHealth na bayaran ang nalalabing P571 milyong utang para makabili ang Red Cross sa China ng dagdag na test kits.
Ayon kay Gordon, ang PhilHealth ay nagbabayad sa kanila ng P100 milyon tuwing ika-10 araw para sa Covid-19 test kits. “Kahapon, dumating ang aming suplay ng test kits. Umabot ito ng P200 milyon, ang P2 milyon lang ang para sa delivery mula sa China.” Umaasa ang senador na magbabayad ang PhilHealth para magkaroon sila ng pondong pambili ng test kits.
Pinaiimbestigahan ni DILG Sec. Eduardo Año ang dalawang malaking pagtitipon sa Batangas at sa Cebu sa posibleng paglabag sa health at safety protocols. Sangkot sa dalawang malalaking okasyon sina Sen. Manny Pacquiao at presidential spokesman Harry Roque. Sa Batangas ay naroroon si Sen.Pacquiao samantalang sa Cebu ay naroroon si Harry Roque.
Maraming netizens ang nagpahayag ng reklamo sa pamamagitan ng social media at nagsabing dapat parusahan si Roque sa pagsasalita sa harap ng maraming tao sa Madrilejos, Bantayan Island, Cebu kaugnay ng pagbubukas ng airport nito noong Biyernes. Siksikan umano ang mga tao.
Tumanggap naman si Pacquiao ng mga pagpuna matapos ipakita sa Instagram ng asawang si Jinkee na nagsasalita ang boxer-senator sa mga tao sa Batangas. Sa dalawang okasyon, napansin ng mga netizen na hindi nasunod ang distancing protocols.
Ikinatuwiran ni Roque na wala siyang kontrol sa maraming tao sa Bantayan Island dahil siya raw ay isang “guest” lang din doon. Nasunod naman daw ang minimum health protocols. Nagulat daw siya sa dami ng mga tao nang siya’y magsalita sa airport opening. Si Pacquiao naman ay namigay ng ayuda sa Batangas na dinagsaan ng maraming tao. Siksikan ang mga Batangueno.
Batay sa pinakahuling tally ng Department of Health (DOH), halos umabot na sa 430,000 ang nagpositibo sa COVID-19. Noong Linggo, nagkaroon ng 2,076 bagong kaso kung kaya lumundag ito sa 429,864.
Hindi dapat maging complacent o ipagwalang-bahala ng ating mga kababayan ang pagluluwag ng IATF sa lockdown. Naririto pa sa ating bansa ang coronavirus kaya dapat panatilihin ang pagtalima sa health protocols upang makaiwas sa COVID-19:
“Laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask/shield, panatilihin ang tamang agwat (physical distancing), at iwasan ang malaking pagtitipon o maraming tao.” Naku naman, mahirap bang sundin ito mga kababayan?
-Bert de Guzman