Binalaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na maging handa matapos mamataan ang tatlong weather systems na inaasahang magdadala ng matinding pagbuhos ng ulan sa mga bahagi ng Luzon at Visayas na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa pagkasira ng mga nagdaang bagyo.
Sinabi ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad na isang low pressure area (LPA) ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Linggo ng gabi habang ang tail-end ng isang frontal system at ang seasonal na northeast monsoon ay nakakaapekto rin sa bansa.
“The regional and local disaster risk reduction and management councils, and the public are advised to take precautionary measures as flooding and rain-induced landslides in highly susceptible areas may occur during heavy rainfall,” saad sa pahayag ni Jalad.
Nitong alas-11 ng umaga ng Martes, ang LPA ay nasa 85km silangan hilagang-silangan ng Borongan City, Silangang Samar at tinatayang lalapit sa Silangan ng Visayas at mga rehiyon ng Bicol, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Gayunpaman, sinabi ng state weather bureau na ang LPA ay nananatiling malabong mabuo bilang isang tropical depression sa susunod na 24 na oras.
Sa pagbanggit ng forecast ng pag-ulan ng Pagasa, sinabi ni Jalad na ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ay maaaring manatili sa Bicol Region habang ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may mga oras na malalakas na pag-ulan ay maaaring mangibabaw sa silangang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Silangang Kabisayaan.
Samantala, ang Bicol Region, Quezon, Aurora, ang norhtern at silangang bahagi ng mainland Cagayan, silangang bahagi ng Isabela, at Apayao ay maaaring makaranas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan hanggang Miyerkules.
-Martin A. Sadongdong at Jun Fabon