MAGPAPASKO na, nguni’t sa halip na magsaya, ang ilang kababayan natin ay sakbibi ng kalungkutan sa labis na pag-aalala, sa kasasapitan ng mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay na inabot na ng limang taon sa pagkakahimlay, sa mga pampublikong libingan.
Sa palagay ko nga, kasama nilang nananaghoy at dumaraing sa kanilang mga puntod ang mga labing ito, na nakatakdang hukayin, ilagay sa sako at pagsama-samahin sa bodega ng mga kalansay sa loob ng camposanto, dahil hindi nabayaran ang “extension fee” nito, upang manatili sa pinaglibingan makaraan ang limang taon.
Opo – kailangang magbayad ng malaking halaga upang hindi magalaw sa kinahihimlayan, ang labi ng mga mahal sa buhay ng pamilyang walang pambayad sa magarbong Memorial Park, kaya’t pinili na paglibingan ang siksikan na pampublikong libingan.
At nasisiguro ko na maraming mga labi ang malalagay sa sako at makukulong sa iniipis at dinadagang bodega sa mga pampublikong sementeryo sa buong bansa, di lamang dito sa Metro Manila -- sa gitna ng pananalasa ng pandemiyang COVID-19.
Bakit ka n’yo? Pagkain nga lang ng mga buhay na kasama sa bahay, ang hirap nang hagilapin, idadagdag pa itong “extension fee” para naman sa mga patay upang manatili sa maayos nitong kinahihimlayan!
Nabanggit ko ito dahil may mga kakilala akong nagsumbong sa akin, na nang pasyalan nila ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, ay sinalubong sila ng masamang balita ng kanilang mga “caretaker” -- na sa pagtatapos ng taon ay huhukayin na ang puntod na dinadalaw nila, kapag ‘di nabayaran ang sinasabing “extension fee”.
Kapag ‘di nabayaran, ibibigay ang naturang puntod para paglibingan naman ng mga kamamatay lamang, matapos na bayaran ng mga naulila nito ang “upa” sa lote para sa susunod na limang taon. Batas umano itong itinakda at kina-kailangang ipatupad ng mga LGU sa lugar.
Anang isang kausap kong nakatanggap ng ganitong balita sa kanilang “caretaker” sa camposanto sa Bagbag, Novaliches, Quezon City: “Nakaiiyak talaga ang buhay, mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan, batbat ng gastos – tas nasa hukay na, po-problemahin mo na naman makaraan ang limang taon. Ni hindi mo mapakiusapan kahit na may pandemiya pa!”
Ang masama nito – may mga bali-balitang sadyang iniipit ng ilang opisyal sa barangay at mga LGU, ang mga ‘di nakapagbayad ng “extension fee” sa mga pampublikong sementeryo, upang ibenta at pagkakitaan sa mga naghahanap ng loteng paglilibingan.
Anak ng pating naman talaga - oo! Tigilan na naman n’yo ang hirap na hirap na nating mga kababayan. Pumarehas naman kayo dahil pare-pareho namang naghihirap tayong mga Pilipino sa gitna ng pandemiyang ito.
Ibahin naman sana n’yo – parang awa na ninyo -- ang diskarte para mabuhay ng marangal at magkaroon ng pagkakakitaan na ‘di ikahihiya ng inyong pamilya!
Teka muna -- baka naman mas gusto n’yo pang ‘yun mismong mga nananaghoy sa libingan ang bumangon at dumalaw sa bahay n’yo upang makiusap na tantanan n’yo na sila?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.