‘Wag masyadong excited.
Hindi pa papayagan ang mga bata na makapasok sa shopping malls hangga’t walang inilalabas na resolusyon at ordinansa mula sa local government units.
Ito ang paglilinaw ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año makaraang ianunsyo ni Metro Manila police chief Brig. Gen. Vicente Danao na hindi pa rin papayagan ang mga menor-de-edad sa pagpasok sa mall.
“Kailangan lumabas muna ang resolution ng LGUs,” wika ni Ano.
“We are still awaiting for the common resolution of NCR Mayors on what age bracket of minors who would be allowed to go the malls accompanied by parents/guardians. They promise to pass it this week,” diin ni Año.
Matatandaan na inihayag ni Año sa pagpupulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga miyembro ng Gabinete, na bahagi rin ng pandemic task force, nitong Lunes ng gabi na papayagan na ang mga menor de edad na pumunta sa mga shopping mall basta kasama nila ang kanilang mga magulang.
Inihayag ni Año na nilalayon ng gobyerno na mapagaan ang age-based stay-at-home na paghihigpit.
“Para na rin po sa Kapaskuhan ay doon po sa pinag-utos natin na puwede ng gradual expansion ng mga age group para makalabas. Ang mga minors po, basta accompanied ng mga magulang, ay papayagang makalabas at makapunta sa mall,” sinabi ni Año sa kanyang mga pahayag na inilabas sa state television.
“Ito po ay pagtitibayin sa mga ordinansa ng ating mga NCR (National Capital Region) mayors sa lugar po ng GCQ,” aniya.
Nauna rito, nagkasundo ang mga Metro Manila mayors na payagan ang mga batang wala pang 15 taong gulang na kumain sa mga restawran kasama ang kanilang mga magulang.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga patnubay ng IATF sa mga lugar ng General Community Quarantine, ang isang taong wala pang 15 taong gulang at mga higit sa 65 taong gulang, ang mga mayroong immunodeficiency, comorbidity, o iba pang mga panganib sa kalusugan, at mga buntis ay kinakailangang manatili sa kanilang mga tirahan sa lahat ng oras, maliban sa pagkuha mahahalagang kalakal at serbisyo.
-BETH CAMIA at GENALYN KABILING