DALAWANG dam ang laman ng mga balita nitong nakaraang linggo—ang matagal nang naitayong dam sa Isabela at ang mungkahing dam sa probinsiya ng Quezon.
Ang Magat Dam sa Magat River, ang pinakamalaking tributary ng Cagayan River, ang pinakamahabang ilog sa Pilipinas, ay itinayo noon pang 1975-1982 primarya para sa irigasyon, flood control, at power generation na isa sa pinakamalaking dam sa Asya sa kasalukuyan, pinatutubigan nito ang halos 85,000 ektaryang agrikultural na lupain sa Isabela at Cagayan ngayon.
Nang manalasa ang super typhoon Ulysses sa Luzon nitong Nobyembre 11-12, bumagsak ang dala nitong ulan sa bahagi ng Hilaga, Sentral at Katimugang Luzon, gayundin sa Bicol region. Pinakamalaking pagbaha ang naranasan sa Isabela at Cagayan, sa rutang dinadaanan ng Cagayan river.
Matapos humupa ang pagbaha, nagsimula nang bumalik sa kanilang tahanan ang mga tao. Noon natuklasan ng mga opisyal ng Magat Dam na kailangan nilang magpakawala ng malaking volume ng tubig na nagbabanta sa istruktura ng dam. Ito ang nagdulot ng bagong pagbaha sa mga mabababang lugar, at hinihingi ngayon ng mga tao ang imbestigasyon hinggil sa naging aksiyon ng mga opisyal ng dam.
Samantala, sa probinsiya ng Quezon, binuhay ng mga residente ng Real, Infanta, at General Nakar, kasama ang mga katutubong komunidad sa lugar, ang kanilang pagtutol sa mungkahing kontruksiyon ng P12-bilyon Kaliwa Dam sa kanilang lugar sa isang pagpupulong kay Gov. Danilo Suarez, kung saan nila binanggit ang panganib na dala nito sa kapaligiran at sa mga taong naninirahan sa lugar.
Ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, sa pamumuno ni Vice Gov. Samuel Nantes, ang isang resolusyon na nagbibigay-awtorisasyon sa gobernador upang gawin ang lahat ng kailangang hakbang upang mahinto ang mungkahing dam. Palulubugin nito ang malawak na bahagi ng probinsiya, kabilang ang mga tradisyunal na lupain ng mga katutubo.
Kasama sa panawagang ito si Bishop Bernardino Cortez ng Simbahang Katolika. Bilang pagbanggit sa heograpiya ng lugar, sinabi niyang, “Our very survival depends on the care of our mountains, forests, rivers, protection of our mangroves and seashores.”
Sa likod ng isip ng bawat isa ay ang pagbaha na dulot ng pagpapakawala ng labis na tubig ng Magat Dam nitong Disyembre, na sumapol sa mga bayan nang inaakala nilang tapos na ang panganib. Naglabas pa ng tubig ang Magat Dam nitong nakaraang weekend, na nagdulot ng mga bagong pagbaha, habang patuloy ang pagbagsak ng ulan. Maaari rin itong mangyari sa Quezon kung itatayo ang Kaliwa Dam sa kanilang lugar.