PISTA opisyal ngayong Nobyembre 30 bilang Bonifacio Day o Araw ng Kapanganakan ng bayaning Andres Bonifacio. Dapat tayong magmuni-muni tungkol sa kanyang kadakilaan at kabayanihan sa pag-aalay ng lakas, pawis at dugo para sa bayan.
Karaniwang ang araw na ito ay patungkol lang kay Gat. Andres Bonifacio at iba pang mga bayani, pero ngayon ay puwede rin nating dakilain ang mga bagong bayani ng Lahing Kayumangg--Overseas Filipino Workers (OFWs), health workers (doctor, nurse, medical technologist), at iba pang frontliners (kawal, pulis, mga manggagawa sa importanteng serbisyo, kabilang ang mga basurero at taga-deliver ng pagkain) sa mga naka-lockdown na kababayan.
Mula sa Geneva, Switzerland, ini-report ng Agence France Press (AFP) na hindi dahilan o excuse ng mga mamamayan ng daigdig, kabilang ang Pilipinas, na hindi magsagawa ng ehersisyo (exercise) dahil may pandemya. Nagwarning ang World Health Organization (WHO) na kahit wala pa ang COVID-19, maraming tao ang kulang sa pag-eehersisyo.
Sa update ng physical activity guidelines nito, binigyang-diin ng UN health agency na lubhang mahalaga ang exercise sa kalusugang pisikal at mental ng isang tao samantalang ang laging pag-upo o walang ginagawa ay maaaring magbunga ng seryosong repercussions.
“WHO urges everyone to continue to stay active through the Covid-19 pandemic,” ayon sa puno ng ahensiya sa health promotion na si Ruediger Krech. “Kung hindi tayo magiging aktibo, maaari tayong makalikha ng panibagong pandemic ng sakit sa kalusugan bunga ng laging pag-upo at hindi pagkilos o sedentary behavior.”
Wala pa umanong maliwanag na statistics sa epekto ng pandemic sa physical activity, subalit ang lockdowns, movement restrictions, gym closures, at iba pang dahilan ay pumuwersa sa maraming tao na manatili sa bahay at nakasira sa regular na aktibidad at exercise routines.
Bago pa sumulpot ang coronavirus, ipinakikita ng mga datos na marami sa kabataang mamamayan at adults ang hindi talagang aktibo na may masamang epekto sa global health. Naniniwala ang WHO na sa paghimok sa mga tao na iwanan ang sofa o office chair para tumayo at kumilos, ay makapipigil sa pagkamatay ng may limang milyong tao bawat taon.
“Being physically active is critical for health and well-being – it can help to add years to life, and life to years,” pahayag ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus. “Bawat pagkilos ay mahalaga.” Mahalaga ang regular physical activity para mapigilan ang pagkakaroon ng sakit sa puso, type-2 diabetes, at cancer.
Sa pamamagitan ng regular na pag-eehersisyo, nababawasan ang mga sintomas ng depresyon at pag-aalala, nababawasan ang paghina ng kaisipan, napabubuti ang memorya at napatataas ang pangkalahatang kalusugan ng utak.
Ipinapayo ng WHO na para magtamo ng mga pakinabang sa exercise, ang adults ay dapat magsagawa ng dalawa at kalahati hanggang limang oras ng katamtamang aerobic activity bawat linggo, samantalang ang mga bata at adolescent naman ay dapat mag-exercise ng isang oras kada araw.
Mga kababayan at kaibigan, ano pa ang ginagawa natin? Tumayo na tayo. Sundin ang tagubilin ng WHO: Mag-exercise sapagkat higit ang pakinabang na makakamit natin sa kalusugan kaysa lagi tayong nakaupo, nakatalungko, nakahiga at walang ginagawa.
-Bert de Guzman