CAGAYAN – Patay ang isang municipal administrator ng Lasam sa nasabing lalawigan matapos na pagbabarilin ng riding in-tandem sa national highway ng Barangay Callao Norte, sa nasabing bayan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Lt. Col. Andree Abella, information officer ng Police Regional Office 2, ang biktima na si Benjamin Augustos Agatep, 55, at taga-Callao Sur, Lasam.
Sinabi ng imbestigador na nakatanggap sila ng isang tawag sa telepono mula sa mga sa concerned citizen na nakakita sa isang lalaking nakabulagta sakay ng kanyang bisikleta sa gilid ng kalsada sa Bgy. Callao Norte.
Ayon sa impormasyon ni Abella, madalas na nagbiisikleta ang biktima tuwing Linggo at posibleng inabangan ito ng mga suspek.
“Hindi naman nagawa iputok ang bitbit na baril ng biktima na marahil naunahan na siya, “ dagdag pa ni Abela sa panayam ng BALITA.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng PNP at tauhan ng BFP ng Lasam at narekober ang bangkay ng biktima na nagtamo ng maraming mga tama ng bala ng baril na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Binanggit pa ng pulisya, hindi pa nakikilala ang mga suspek na tumakas sakay ng motorsiklo.
Sinisiyasat pa rin ng pulisya ang kaso upang matukoy ang nasa likod ng krimen at motibo ng mga ito.
Liezle Basa Iñigo