IGINIIT ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na handa silang umayuda kung hihingin ang kanilang tulong ng mga liga kahit hindi pa propesyunal.

Pro at amateur sports, arangkada sa liderato nina Mitra at Ramirez. (PSC PHOTO)

Pro at amateur sports, arangkada sa liderato nina Mitra at Ramirez. (PSC PHOTO)

Ayon kay Mitra, hindi nila pinipilit o pinapatawan ng anumang kaparusahan ang mga hindi GAB-sanctioned league o event sa kanilang planong pagbabalik aksiyon.

“We’re in no way forcing everybody to turn pro. Doon sa mga gustong magpatulong, you can go directly to us. There is no problem. Pero kung gusto nilang sariling kayod sila para mapayagan ng Inter- Agency Task Force (IATF), wala rin pong problema hindi namin sila pipigilan kung napayagan sila ng IATF,” pahayag ni Mitra sa kanyang pagdalo sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) via Zoom nitong Huwebes.

BALITAnaw

'Chapter closed:' Ang KathNiel sa loob ng 11 taon

Bukas na libro sa sporting community ang paghingi ng abiso sa sa IATF ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Senator Manny Pacquiao at Philippine Super Liga (PSL) sa volleyball ni dating PSC Chairman Philip Ella Juico para sa pagbabalik aksiyon. Ang dalawang asosasyon ay hindi professional leagues.

“Naiintriga na kami kasi may mga isyung we’re on expanding. Para sa kaalaman ng lahat, P140 million lamang po ang budget namin and we are just here to follow our mandate. Yung gustong mag-pro, Salamat, yung ayaw, ok lang sa amin basta may sarili silang regulasyon to protect the athletes,” sambit ni Mitra.

Sa nakalipas na walong buwang lockdown, nagdesisyon ang ilang liga na maging propesyunal tulad ng National Basketball League, Women’s National Basketball League, Chooks-to-Go 3x3, Professional Chess Association at ang karibal ng PSL na Premier Volleyball League (PVL).

Ang lahat ng kaganapan at progreso sa antas ng professional sports ang sentro ng paksa sa isasagawang second Professional Sports Summit via online na nakatakda sa Disyembre 5, ayon kay Mitra.

Sinabi naman ni Kara Mallorga, GAB Safety Officer sa pro sports, na hindi kontrabida, bagkus kakampi ang GAB higit sa usapin para maproteksyunan ang mga atleta.

“Actually, yung GAB sanctioned and licensed para yan sa mga atleta at sa liga rin mismo. Once na established yung level of competitiveness mas maraming private corporation ang makukumbinsing sumali sa liga,” sambit ni Mallorca.

Hinimok ni Mitra ang lahat ng stakeholders, atleta, team representatives at mga sponsors na magpatala at makiisa sa Summit upang mas maintindihan at maunawaan ang responsibilidad ng GAB.

“Kung may mga katanungan po kayo nais ninyong linawin at maintindihan, we’re inviting you to join the Summit this coming December 5,” pahayag ni Mitra sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Pagcor at GAB.

Ibinida rin ni Mitra na nagbalik na ang boxing sa buong bansa matapos maaprubahan ng local government unit ng Rizal ang boxing promotion ng Quibors.

Nauna nang nagbalik aksiyon ang boxing sa bubble tournament na isinagawa ng Omega sa Mandau City sa Cebu at SanMan promotion sa Mindanao.

-Edwin G. Rollon