“Hindi makatarunagn na ang 16,000 na health workers sa ilalim ng emergency hiring program ng DOH ay hindi pa nababayaran ng kanilang hazard pay at special risk allowance. Sa kabilang dako, ang mga health workers na magtatrabaho sa ibang bansa ay nilimitahan ng gobyerno sa 5,000 bawat taon. Kailangan siguruhin muna natin na ang mga pangako sa kanila na mga magandang benepisyo ay natutupad bago itong paglalagay ng limitasyon. Upang mapalakas ang pagresponde ng gobyerno laban sa COVID-19 at mahikayat na manatili sa bansa, dapat mamumuhunan ang gobyerno at maglaan ito para sa kanilang sapat at makatarungang sahod at benepisyo na sinisiguro ang kanilang kapakanan,” wika ni Sen. Risa Hontiveros sa isang pahayag bilang kanyang reaksyon sa paglilimita ng gobyerno sa mga nurse at health worker na makapagtrabaho sa labas ng bansa. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, gusto lang ng pamahalaan na may mga nurse, nursing assistant at nursing aide na may clinical experience na naririto sa bansa. Paano, aniya, kapag lumabas lahat ang mga ito, sino ang mangangalaga sa mga may sakit? “Ito naman ay hanggang wala pang bakuna laban sa COVID-19 at ang limitasyon ay para lang sa mga bagong magtatrabaho,” dagdag pa niya. Ayon din kay Roque, resolusyon ito ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na nilagdaan na ng Pangulo at ilalathala na lang.
Kung may naitulong ang paglilimita sa mga nurse na makalalabas ng bansa para magrabaho, ito iyong naihayag na naman ang kaawa-awang kalagayan nila. Ang nurse ay isa sa mga propesyon sa bansa na napakababa kung tratuhin ito ng mga namamahala ng gobyerno. Hindi lang nagmamakaawa ang mga nurse para lingapin at tratuhin silang may dignidad kundi kinakawawa pa. Napakababa na ng kanilang sinasahod, sa panahon ng pandemya, sila pa ang nakasubo sa panganib. May mga namatay na sa kanilang paggamit ng propesyon at pagganap ng kanilang tungkulin. Paano, nakabilad na sila sa panganib, halos hindi pa sila makapagpahinga dahil sa pagdagsa ng mga nagkakasakit ng COVID-19 na nangangailangan ng kanilang tulong. Nito lang nakaraang Agosto, ang medical community ay humingi ng panahon na sila ay makapagpahinga. Kasi, masyado silang napagod sa pag-aasikaso sa mga Pilipinong nagkakasakit ng COVID-19. Eh ganoon na lang kung dagsain nila ang mga pagamutan. Samantalang ang mga health workers, bukod sa kinukulang sila dahil nagkakasakit na rin, ay halos kulangin na rin sila ng panahon para ipahinga ang kanilang patang-patang katawan.
Sa halip na isaalang-alang ang kanilang kalagayan, sukat ba namang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung gusto ng mga ito ay mataas na sahod “Magpulis kayo”. Paano kasi, sa pagnanais ng Pangulo na mabili ang katapatan ng mga pulis at sundalo, sa kanila ito namuhunan. Itinaas ang sahod at binigyan pa niya ang mga ito ng magandang benepisyo. May malaking pondo pang inilaan para sa kanila para kanyang pamasko. Ang prayoridad kasi ng Pangulo ay ang kanyang sarili at tribu.
-Ric Valmonte