KUNG baga sa sasakyan, gasolia na lamang ang kulang upang mapaandar national team training bubble na idaraos sa Inspire Academy sa Calamba, Laguna.
Hinihintay na lamang ng Philippine Sports Commission ang pondo upang pormal na mailunsad ang pagbabalik aksiyon ng mga atletang Pinoy.
Naitakda na ang lahat ng ‘safety and health’ protocols at guidelines para sa mga national athletes na may pag-asa pang makapag qualify sa Tokyo Olympics para sa sama-samang pagsasanay nila sa nasabing venue ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez.
Tinatayang P15 milyon ang kailangan upang maisagawa ang nasabing bubble para sa mga national athletes sa boxing, taekwondo, karatedo at iba pang combat sports.
Pero bukod sa mga nabanggit na sports, mayroon pang 16 na national sports associations na nagrirekumendang mapasama ang kanilang mga atleta sa naturang bubble na mangangailangan ng panibagong budget ayon kay Fernandez.
Siniguro naman ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy na puwede ng simulan ang bubble anumang oras kapag nandyan na ang budget.
Parehas namang sinusuportahan ng Kongreso at ng Senado preparasyon at pagsasanay na gagawin ng mga atletang Pinoy upang makasali sa Olympics kung kaya inaasahan na ng PSC na matutustusan ang nasabing bubble.
Samantala, bukod sa Tokyo Olympics, ayon kay PSC Chief of Staff and National Training Director Marc Velasco ay pinaghahandaan din nila training ng mga national athletes para sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Nobyembre 2021.
-Marivic Awitan