Mayroon na namang iwinagayway na listahan si Pangulong Rodrigo Duterte. Listahan, aniya, ito ng mga tiwaling mambabatas hinggil sa paggamit ng kanilang pork barrel. Dahil ang mga ito ay nasa ibang departamento, ang lehislatura, na malaya at patas sa ehekutibo na kanyang pinamumunuan, hindi niya inihayag ang mga pangalan ng mga kongresista. Kung pipilitin siya, aniya, ipapasa niya ang listahan sa tanggapan ng Ombudsman. Kanino ba galing ang listahan at pinanaligan ito ng Pangulo? Sa Presidential Anti-Corruption Commission na ang pinuno nito na si Commissioner Greco Belgica ay sinampahan kamakailan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ng grupo ng mga empleyado ng Duty Free Philippines Corp. (DFPC) Bukod sa siningil niya ng P130,00 ang grupo para sa mga affidavit na kanyang ginawa para sa kanila, gayong hindi dapat binabayaran ito, hindi niya binigyan ng halaga ang mga ebidensiyang nakalap nila hinggil sa talamak na smuggling na kinasasangkutan ng kanilang chief operating officer na si Vicente Pelagio Angala. Pinalabnaw ni Belgica ang kanyang report at recommendation hinggil sa smuggling sa pagitan ng mga opisyal ng DPFC at mga malaking negosyante pagkatapos na makipag-usap nang sikreto ito sa inereklamong si Angala.
Sa pagtalakay sa budget ng Senado noong nakaraang Miyerkules, partikular ang lubusang lumobong budget ng Department of Public Works and Highways sa halagang P666.4 billion, sinabi ni Sen. Ping Lacson na naririto ang mga pondong isiningit ng mga kongresista at ang pagdoble ng alokasyon sa ilang mga proyekto ng departamento. “Maawa kayo sa inyong sarili. Kung mayroon sa ating gustong magsingit, mistulang lang barangay kagawad kung ikukumpara sa mga kongresista sa laki ng kani-kanilang budget na mula sa napakaling halagang P15.351 billion hanggang sa pinakamaliit na P620 million,” sabi pa ni Lacson sa mga kapwa niya Senador. Ayon pa rin sa kanya, may engineering district na may P15.35 billion alokasyon pagkatapos na makakuha ng P5.7 billion bukod sa P9.7 billion sa ilalim ng National Expenditure Program. Hindi niya tinukoy ang distrito, pero noong nakaraang linggo sinabi niya na ang parehong halaga ay inilaan sa “urban district ng Davao.” Eh ang congressman dito ay ang anak ni Pangulong Duterte na si Paolo Duterte. Sa palagay kaya ninyo ihahayag ni Pangulong Duterte ang ganitong kalaking halaga na pagkukunan ng porsyento ng kanyang anak?
Kaya, panggulo lang itong ipinakikita na namang listahan ng mga umano ay tiwaling mga mambabatas. Inililigaw ang mamamayan sa tunay na isyu na inihayag ni Sen. Lacson na sa Davao City, na ang kanyang anak na si Paolo Duterte ay may pinakamalaking pork barrel na nagkakahalaga ng P15.35 billion. Kay Lacson, ang halagang ito at iyong tig-P1 billion pork barrel ng mga kongresista na kaalyado ng Speaker ay labis-labis na makatutulong sa mamamayang nasa lugar na matinding nasalanta ng kalamidad. Marami palang pera ang bansa, pero iilan lang ang mga nakikinabang. Ang hindi magandang sitwasyong ito ay nais pagtakpan ng Pangulo sa paghahayag na naman niya ng bagong listahan. Adik na sa task force ang Pangulo, adik pa sa listahan. Kapag bumaba na siya sa pwesto ang ipakikita niyang listahan ay ang inutang niyang bilyung-bilyong salapi na babayaran ng mga susunod na lahi ng Pilipino.
-Ric Valmonte