TILA yata ang dating makakating daliri ng ilang nabatos na pulis sa pangingikil ay nadagdagan pa ng kati, at sa pagkakataong ito naman ay sa kanilang pagiging trigger-happy, na walang kaabug-abog sa pagpapaputok ng kanilang service firearms, sa sinumang makatalo sa lansangan.
Marami na ring napabalitang mga pangyayaring ganito. Maski nga rito sa Metro Manila na may kahigpitan na ang pagmo-monitor sa mga magagaspang na pag-uugali ng mga baguhang pulis, ay patuloy pa ring nadaragdagan ang bilang ng mga nababaril at napapatay – sa lehitimong operasyon man o mga biglaang insidente lamang na bunga ng maliliit na alitan sa kalsada.
Gaya ng nangyari sa isang barangay sa lugar na aking kinalakihan – sa distrito ng Tundo, Maynila na sinasabing lugar daw ng mga siga at halang ang kaluluwa na kabaligtaran naman ng katotohanan – kung saan isa ang napatay at isa rin ang malubhang nasugatan, matapos na “mapag-initan” at barilin ng lasing na pulis, na pasuray-suray sa iskinita ng Block 6, J.P. Rizal Street nito lamang Biyernes ng madaling araw.
Dead on arrival sa Tondo General Hospital ang biktimang si Joseph Marga, 32, elevator installer, dahil sa tama ng mga bala sa katawan, habang malubha naman ang isa pang biktima na si Mark Lester Quinoñes, 28.
Magkalugar ang dalawa at kapwa pauwi na galing sa trabaho. Sinita sila ng suspek at pinagbantaang aarestuhin, pero todo ang paliwanang nila at pinagdiinang nakatira lamang sila sa naturang lugar.
Ikinagalit ng suspek ang pangangatwiran ng dalawa, kaya’t naglabas ito ng baril. Kung ano ang bilis nang pagbunot sa baril ay siya ring bilis ng alingawngaw ng magkakasunod na putok nito. Bulagta agad ang sugatang sina Marga at Quinoñes.
Nakatakas naman ang suspek na nakilalang si Patrolman Alvin Santos, nakatalaga sa Sta. Cruz Police Station 3 (PS-3) ng Manila Police District (MPD). Sa kalasingan marahil ay naiwan nito ang ginamit na baril, na batay sa imbestigasyon ay “service firearm” pala -- kaya’t nabuking ang tunay niyang pagkatao.
Subject ng manhunt operation si Patrolman Alvin Santos at sinisiguro ng mga opisyal ng MPD na maliit lamang ang mundo para rito, kaya’t ‘di ito makatatagal sa pagtatago, at siguradong mahuhuli.
Maraming magandang alaala sa akin ang presintong ito na sumasakop sa distrito ng Sta Cruz at Quiapo sa Maynila, dahil dito nahulma ang aking pagiging pulis reporter noong dekada 80, na ang palagiang kong kasama sa mga operasyon ay masisipag, mababait at mga tapat sa tungkulin nila bilang mga alagad ng batas. Wala akong maalala ni isa man sa mga ito na naging “trigger-happy” sa gitna ng kanilang pagtatrabaho!
Me tama ba ako rito -- mga retiradong parekoy Alex Felizardo Gutierrez, Danilo L. Quiatson at Danilo “Dandan Boy” dela Cruz, at marami pang iba na mga pambato noon ng MPD-Station -3!
Kaya nang marinig kong taga-MPD Station 3 ang namaril na pulis ay todo ang pagkadismaya ko, dahil tila totoo na yata ang sapantaha kong maraming baguhang pulis sa ngayon ang kailangan muling sumailalim sa “basic police training”.
Kailangan kasing maitanim sa kanilang mga kokote, na ang pagiging magaling na pulis ay hindi nababatay lamang sa bilis nilang bumunot at pumutok ng baril, bagkus ay sa tamang pakikipagkapwa-tao at paggalang sa mga karapatan nito, kahit sagad pa sa buto ang kasamaan ng kanilang inaaresto.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.