KUNG may “pera sa basura”, na napatotohanan ng mga kababayan natin na ang ikinabubuhay ay ang pangangalakal o pamumulot ng mga recyclable sa mga basurahan, isang engineering student naman ang kinilala sa buong mundo dahil sa natuklasan niya na may “kuryente sa basura.”
At para namang pinagtiyap ng pagkakataon, ang pagkilala sa estudyanteng ito mula sa MAPUA University ay nataon pa man din sa taunang pagdiriwang ng National Inventors Week na pumatak ngayong linggo – bilang pagkilala at pagdakila sa ating mga kababayang imbentor.
Ang batang imbentor na fifth year Electrical Engineering student ay si Carvey Ehren Maigue, isang huwarang mag-aaral na halos inabot na ng 10 taon sa kolehiyo dahil sa kahirapan, pero tuloy sa pagpupursigi sa kanyang kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering (BSEE) na naging hagdan upang makamit niya ang pambuong daigdig na karangalan.
Ang nakalulungkot lang tila nahuli sa balita hinggil sa karangalang ito -- na masasabing isang korona na rin para sa ating bansa -- ang ilang pinuno natin na sa aking palagay ay siyang dapat unang maka-monitor dito, upang mabigyan ng karampatang suporta, ang mga magagaling na mag-aaral mula umpisa hanggang sa dulo ng kanilang mga inimbento…sana nagkataon lang na “busy” sila dahil sa pagsalungat sa patung-patong na problemang dulot ng pandemiyang COVID-19.
Ang karangalang nakuha ni Maigue ay mula sa James Dyson Foundation upang hikayatin ang mga imbentor sa buong mundo na makadiskubre ng mga gadget na panggagalingan ng “renewable energy source” na gaya nga ng sa kuryente.
Para sa imbensyong ito ni Maigue, na tinawag niyang AuREUS (Aurora Renewable Energy and UV Sequestration) Technology – na nakipagtagisan sa 1,800 na proyekto mula sa 27 bansa – nakuha niya ang unang gantimpala na tumataginting na P2 million. Siyempre pa, dagdag karangalan ito para sa ating bansa!
Naging inspirasyon ni Maigue sa kanyang imbensyon, ang makapigil hiningang tanawin nang pagsasayaw ng iba’t ibang kulay na liwanag sa kalangitan, na kung tawagin ay Aurora Borealis.
Sa video presentation para sa kanyang imbensyon, sinabi ni Maigue: “Naisip ko na kahit maulap at maulan, meron pa ding ultraviolet light na tumatagos at napupunta sa atin. Sayang, hindi natin nakukuha ang enerhiyang ito gamit ang mga conventional na solar panels.”
Ang paliwanag niya rito: “UV light is sequestered, absorbed, and converted to clean and renewable energy through particles derived from upcycled fruits and vegetable waste.”
Oh ‘di ba fantastic, mula sa 78 basurang prutas at gulay – gaya ng luyang dilaw, kamatis, kamias, mga balat at ugat ng iba-ibang puno, gaya ng anato, mayana, jackfruit at strawberries -- ay nakabuo siya ng gadget na animo “solar panel” na nagbibigay ng kuryente mula sa “Ultra violet Rays” na lumalabas sa mga nabubulok na bagay.
May ka-kumpitensiya na ang solar panel na sa ngayon ay sobrang mahal pa -- ito ang imbensyong Pinoy na tatawaging AuREUS Technology.
Palagay ko naman, magiging mura ang production cost nito dahil galing lang ang materyales mula sa ating mga perwisyo at walang silbing basura sa siyudad, bukid at kabundukan.
Sa ngayon ay mas kinakailangan ni Maigue ang buong suporta ng ating pamahalaan, upang maging matagumpay at mapakinabangan ng buong bansa ang makabuluhang imbensiyon niya -- Mabuhay ka Maigue!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.