NANG simulan ng pamahalaan ang COVID-19 restriction noong Marso, iilan sa atin ang inasahang ganito ang itatagal ng virus. Nabasa natin ang tungkol sa mga salot tulad ng bubonic plague na pumatay sa sangkatlo ng populasyon ng mundo, karamihan sa Europe, noong 1350. Ang cholera pandemic na nagmula sa Russia hanggang sa kumalat sa Africa, Asia, at America, at kumitil ng isang milyong tao noong 1817.
Sa ika-20 siglo naman, isang influenza epidemic ang pumatay ng 50 milyong tao sa buong mundo sa Europe, United States, at Asya noong 1915. Dahil sa mga ulat ng flu outbreak sa Madrid ng mga pahayagan tinawag itong “Spanish flu.” Ang nakilalang Asian flu ay nagsimula sa Hong Kong noong 1957, na kumalat sa China, US, hanggang sa Europe, na nasundan pa ng ikalawang bugso. Epektibong nakontrol ng bakuna ang sakit noong 1958 matapos itong kumitil ng 1.1 milyong tao sa mundo.
Higit na bago, nagkaroon din ng HIV-AIDS epidemic noong 1981, na unang naitala sa isang American gay communities, hanggang sa kumalat sa buong mundo, na pumatay na ng 3 milyon at hindi pa rin natutuklasan ang lunas. Sa pagpasok ng ika-21 siglo, nagkaroon tayo ng SARS (Severe Acute Respiratory Syndrome) noong 2003, na nasundan ng H1N1, Ebola, at Zika na mabilis namang nakontrol.
At ngayon, nararanasan natin ang COVID-19. Umasa tayong hindi ito magtatagal tulad ng SARS, H1N1, at Ebola, ngunit sumailalim na tayo sa iba’t ibang lebel ng restriksyon mula noong Marso at malamang na magpatuloy ang restriksyon sa Metro Manila hanggang sa pagtatapos ng taon.
Nobyembre 25 na ngayon. Sa mga nakalipas na taon, isa na itong pulang numero sa ating mga kalendaryo—isang buwan bago ang Araw ng Pasko. Puno na ng mga mamimili ang mga malls at pamilihan, bumibili ng mga pangregalo at dekorasyon para sa mga tahanan at naghahanda na rin para sa pista sa Pasko at Bagong Taon kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Natutuwa tayong ibahagi na marami sa mga lokal na pamahalaan at mga pribadong enterprises ang determinadong ipagpatuloy ang tradisyunal na aktibidad tuwing holiday, pagkakabit ng mga pailaw sa mga lansangan at pagtatayo ng mga dambuhalang Christmas trees kasama ng maliwanag na pailaw at palamuti.
Sa mga probinsiya, tuloy ang Tarlac sa pagdaraos ng ika-13 taon ng Belenismo competition, kung saan bawat bayan at maraming pribadong organisasyon ang nagtatayo ng Nativity Scenes para sa province-wide competition. Sa San Fernando City sa Pampanga itinuloy rin ang taunang giant lantern competition, bagamat hindi kasing laki at mahal ang mga kalahok na parol tulad noong mga nakalipas na taon.
Tunay ngang kakaiba ang taon na ito para sa atin dahil sa pandemya. Ngunit hindi ito rason para isantabi ang ating pagdiriwang ng Pasko. Maaaring hindi ito kasing sigla, kasing kulay, kapana-panabik, at kasing saya tulad ng dati dahil sa pandemya, ngunit dapat ito manatiling kabuluhan, maramdaman, at banal dahil ito ay pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo na ating Tagapagligtas.