OPISYAL na tinanggap ni eight-division world champion at Senator Manny Pacquiao ang World Boxing News (WBN) ‘Fighter of the Year’ award matapos ang ilang buwang pagkaantala bunsod ng ipinapatupad na lockdown dulot ng COVID-19.
Naipadala ng WBN, organisasyon na binubuo ng mga boxing writers sa mundo, ang tropeo nitong Pebrero, subalit hindi ito nakuha ni Pacquiao bilang bahagi na rin ng ‘safety and health’ protocol na ipinapatupad sa bansa.
Sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga naapektuhan ng naturang virus, unti-unti na ring lumawag ang mga patakan sa quarantine sa bansa, sapat para makuha at matanganan ang panibagong parangal sa kanyang boxing career na resula ng impresibong kampanya sa taong 2019.
Matapos ang panalo kay Adrien Broner noong Enero, sinundan ni Pacquiao ang kasiyahan nang agawan ng korona si Keith Thurman sa MGM Grand sa Las Vegas noong Hulyo, sapat para mapabilang sa nominasyon.
Sa muling paghahari sa WBA welterweight, umarangkada si Pacquiao sa Top 5 ng WBN Pound for Pound Rankings kasama ang matitikas ding sina Canelo, Juan Estrada, Deontay Wilder, Anthony Joshua, Errol Spence Jr., at Naoya Inoue.
Tulad ng inaasahan, nadomina ni Pacquiao ang talaan. Nakuha ni Pacquiao ang record 86% ng kabuuang 20,000 ballots cast.
Sa kabila ng mga gawain bilang mambabatas at pagtulong sa relief efforts sa mga kababayang nasalanta ng nagdaang bagyong Rolly at Ulysses, naisingit ni Pacquiao na makuha ang tropeo para sa masayang pasasalamat sa WBN na kanyang naipost sa social media.
Dahil sa naganap na lockdown, hindi naging kompetitibo si Pacquiuao na nakatadang pa lamang magbalik aksiyon sa 2021.
Umuusad na ang usapin hingil sa klaban niya kay Errol Spence, Jr, ngunit marami pa rin ang naghihintay na makaharap niya ang walang talong si Terence Crawford.