BINUBUSISI ngayon ng Senado ang mungkahing P4.5-trillion General Appropriation Bill para sa taong 2021 na inaprubahan nitong nakaraang buwan ng House of Representatives. Aaprubahan ng Senado ang sarili nitong bersiyon ng National Appropriation Bill na pagtitibayin ng isang Bicameral Conference Committee para sa pinal na aprubadong panukala ng Kongreso na lalagdaan naman ni Pangulong Duterte sa Disyembre.
Matagal nang kilala si Sen. Panfilo Lacson para sa mahigpit nitong pagsisiyasat sa national budget bills. Ngayon inilabas niya ang natuklasan na ang inaprubahang bill ng Kamara ay naglalaman ng ilang duplikasyon kasama ng napakaraming diperensiya na pumapabor sa ilang distrito.
Kabilang dito ang:
--- Isang congressional district sa Davao ang may budget na P15.35 billion para sa public works, na higit na mas malaki sa orihinal na P9.67 billion na iminungkahi ng National Expenditure Program (NEP) ng Malacañang.
--- Isa pang distrito na may P2.9 billion sa orihinal na mungkahi ng Malacañang. Ang may P5.06 billion, sa bill ng Kamara.
--- Mayroon pang isang distrito na may P3.59 billion sa orihinal na Malacañang bill. Ang ngayo’y nagkaroon ng dagdag na P3.963 billion.
--- Ilan pang distrito ang nakatanggap ng dagdag na P1 billion bawat isa para sa public works. Habang maraming ibang distrito ang nakakuha ng P20 million.
Ang alokasyon para sa public works sa lahat ng distrito sa ilalim ng orihinal na Malacañang bill ay mayroon lamang kabuuan na P3.59 billion. May extrang P3.96 billion na idinagdag ang mga kongresista. Ang dagdag na halaga ay para sa 739 line items ng mga building projects na idinagdag sa budget ng DPWH.
Nabanggit din ni Senador Lacson na maraming proyekto ang nagkaroon ng dobleng appropriations. Ang mungkahing Coastal Bypass Road, ang Bago Aplaya Times Beach, at ang Roxas Avenue projects sa Davao City ay may P1.709 billion sa Pahina 200 ng General Appropriation Bill, ani Lacson, ngunit pinaglaanan din ng P4.449 billion sa Pahina 1041.
Inaasahan na ang ilang hindi pagkakatugma sa isang mahaba at makapal na dokumento tulad ng National Appropriation Bill, kaya naman ilang proyekto ang maaaring nalista nang doble sa hiwalay na bahagi ng bill. Ilang distrito ang maaaring tiyak na nangangailangan ng ilang proyekto kaya’t may mas malaki—bagamat, umaasa tayong hindi labis—na halaga.
Nasa proseso na ngayon ang Senado ng pagbuo ng sarili nitong bersiyon ng National Appropriation Bill. Susundan ito ng pagpupulong ng Bicameral Conference Committee upang ayusin ang anumang pagkakaiba at mabuo ang pinal na panukala na lalagdaan ni Pangulong Duterte upang maging handa ito sa pagpopondo ng mga public works projects sa Enero.
Umaasa tayong ang pinal na bill, ay hindi na naglalaman ng mga diperensiya at kalabisan na natuklasan ni Senador Lacson.