NAKATUTUWANG malaman noong una na parehong nagtungo sina Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at Vice Pres. Leni Robredo sa mga lugar na binagyo at binaha sa Cagayan Valley (Isabela at Cagayan). Natuwa ang mga Pinoy na sila ay bumisita roon upang tiyakin sa mga tao na sila ay tutulungan.
Subalit nitong nakaraang ilang araw, nagulat ang mga mamamayan nang biglang banatan ni Mano Digong si VP Leni sa pagkakaloob ng Office of the Vice President (OVP) ng relief goods at ayuda sa mga residente ng Cagayan at Isabela na pininsala ng bagyong Ulysses.
Sa himig ng pananalita ng Pangulo, para raw nakikipagkumpetensiya sa kanya si Robredo sa pamamahagi ng relief goods. Hindi lang sa Cagayan Valley namahagi ng tulong si beautifil Leni kundi maging sa Bicol na unang sinagasaan ng super Typhoon Rolly.
Nagtungo si Robredo na isang Bicolana sa Catanduanes na unang tinamaan ng matinding hagupit ni Rolly. Sa puntong ito, pinagbintangan siya ni presidential legal adviser Salvador Panelo na ginamit niya ang C-130 sa pagkakarga ng relief goods. Ganito rin ang impormasyon na tinanggap ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Dahil dito, pinagsabihan ni PRRD si VP Leni na wala siyang karapatan na gumamit ng government plane o kaya’y mag-utos sa AFP at PNP. Itinanggi ni Robredo na gumamit siya ng C-130 o kaya’y nag-utos sa AFP at PNP.
Nang malinawan nina Lorenzana at Panelo na mali ang impormasyon nila sa C-130, humingi sila ng apology sa Vice President. Itinanggi rin ni AFP spokesman Maj. Gen. Edgar Arevalo na tumanggap ang sila ng distress calls o pakiusap kay Robredo tungkol sa paggamit ng eroplano o ano pa man. Wala silang tinanggap na request sa VP.
Sana naman ay magkasundo ang dalawang mataas na lider ng Pilipinas. Dapat ay magtulungan at magkaisa sila kapag ang isyu ay tungkol sa kapakanan, kabutihan at kagalingan ng mga mamamayan. Hindi ito dapat haluan ng pulitika.
Sa mga panayam, sinabi ni VP Robredo na wala siyang balak na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 bilang reaksiyon sa banta ng Pangulo na kapag siya’y kumandidato, magiging “bangungot” ito sa kanya sapagkat wawasakin niya si Robredo.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, ang buong atensiyon niya ay nakatuon ngayon sa paglilingkod sa mga biktima ng bagyo at baha. Wala siyang panahon para sa 2022 dahil ito ay napakalayo pa at marami pang mangyayari.
-Bert de Guzman