“Adhocracy ang tawag namin sa public administration, na maaaring mabuti, pero higit na masama. Mabuti, dahil madaling magampanan ang tungkulin, naka-focus lamang sa isang layunin at sa limitadong panahon. Masama, dahil dinodoble lamang ang layer ng burukrasya. Maaaring kalabisan. Sinisira, pinalalabnaw, o kaya pinahihina nito ang mga layunin ng mga naitatag nang institutsyon. Para sa mga sakuna, mayroon nang NDRRMC, Office of Civil Defense na may Climate Change Commission at local government. Para sa paglaban sa anomalya, mayroon na tayong Ombudsman, Sandiganbayan, Commission on Audit, Civil Service Commission at Presidential Anti-Corruption Commission, ang ilan lang sa mga ahensiya. Kaya, bakit pa tayo lilikha ng task force para mag-imbestiga ng korupsyon hanggang huling termino ng Pangulo?” wika ni public administration professor at dating dean ng National College of Public Administration and Governance Maria Fe Mendoza bilang kanyang reaksyon sa ginagawa ni Pangulong Duterte na gawa nang gawa ng task force. Sa ngayon, 15 na ang mga ito at darating pa ang isa para mag-monitor at mamahala sa mga hakbangin ng gobyerno para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng mga bagyo. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tatawagin itong Build Back Better task force. Pero, hindi ang mga ito ang kailangan ng bansa, kundi ang nagtatrabahong Pangulo, ayon kay ACT Teacheres Rep. France Castro. Marami nang task force, aniya, na mga walang silbi. Karagdagang lang sa budget pero hindi naman nagreresponde sa talagang pangangailangan ng taumbayan.
Naging pangunahing isyu ang pandemya nitong nakaraang presidential elections sa Amerika dahil libu-libo ang nangangamatay sa COVID-19. Dahil ang nagwagi ay si Joe Biden, bilang preparasyon sa pag-upo niya bilang halal na Pangulo sa Enero ng susunod na taon, lumikha siya ng komite, mistulang task force, na ang layunin ay masawata ang pagkalat ng salot at mapangalagaan ang kaligtasan ng kanyang mamamayan. Ang mga hinirang niyang mga kasapi ng komite ay mga doctor at scientist na eksperto sa kani-kanilang larangan. Sa ating bansa, laban sa COVID-19, ang nilikha ni Pangulong Duterte noong Marso 2020 ay ang National Task Force Against COVID-19 na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Joint Task Force COVID-19 Shield na namumuno ay si Philippine National Police deputy chief of administration Guillermo Eleazar. Trinato ng Pangulo na armado at nakikitang kaaway ng taumbayan ang virus dahil karamihan sa mga miyembro ng mga nasabing task force ay mga sundalo at pulis. Dahil ganito niya nga tinignan ang COVID-19, nagrereklamo ang mga negosyante dahil hindi praktikal ang ginagawang protocol sa kanilang negosyo, kaya humiling sila ng representasyon sa task force, pero, hindi sila pinagbigyan. Eh ang pandemya ay hindi lang problemang pangkalusugan kundi naging problemang pang-ekonomiya dahil sa mga alituntunin o protocol na ipinatupad ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kaya, tama si ACT Teachers Rep. Castro na ang mga task force na nilikha ng Pangulo ay hindi naman naging kasagutan sa mga problema ng mamamayan na nilalayon ng mga ito na malunasan. Una, hindi lapat ang kwalipikasyon ng mga taong hinirang ng Pangulo sa gawain ng task force. Ikalawa, hindi makapagtatrabaho nang matino ang kanyang mga hinirang. Sila rin ang mga pinuno at miyembro ng mga task force na ginawa ng Pangulo. Adik din lang ang Pangulo sa task force, bakit hindi task force ang nangasiwa ng pagbili ng bakuna? Bakit si Gen. Carlito Galvez lamang, sundalo at hindi doctor o scientist?
-Ric Valmonte