Mga Laro Ngayon
(AUF Gym - Angeles City, Pampanga)
4:00 n.h. -- TNT vs Phoenix
6:30 n.g. -- Ginebra vs Meralco
MAGAMIT ang bumaling na momentum pagkaraang itabla sa 1-1 ang kani-kanilang serye noong Game 2 ang kapwa tatangkain ng Phoenix at Meralco sa muli nilang pagsalang sa Game 3 ng 2020 PBA Philippine Cup ngayon sa Pampanga.
Mauunang sumabak ang Fuel Masters ganap na 4:00 ng hapon kontra TNT Tropang Giga kasunod ang Bolts na muling haharapin ang Barangay Ginebra sa tampok na laro ganap na 6:30 ng gabi sa Angeles University Foundation Gym.
Matapos ang dikit na 92-95 na kabiguan noong Game 1 sa TNT, ipinatas ng Phoenix sa 1-1 ang kanilang race-to-three series matapos pataubin ang una, 110-103 sa Game 2 noong Biyernes.
Kung paano nila dinomina ang Bolts noong Game 1,96-79, ganundin ang ginawang pagbawi ng una sa Game 2,95-77,kontra Ginebra upang itabla ang semifinals series nila ng Meralco.
Ngunit para kay Phoenix coach Topex Robinson, sa ngayon ay hangad lamang nilang mapahaba ang serye.
“Hopefully, we could prolong the series,” ani Robinson.
Gayunman, inaasahan nyang aangat ang kumpiyansa ng kanyang Fuel Masters dahil sa nasabing panalo kontra sa mas malawak ang karanasan at hitik sa talentong koponan na kinatatampukan ng ilang national team players.
Sa panig naman ng Tropang Giga, sisikapin nilang aralin ang ginawa ng Fuel Masters na nabigo silang solusyunan noong Game 2 at pag-ibayuhin ang kanilang depensa.
Samantala sa tampok na laro,tiyak na mas magiging matindi ang depensang ipapakita ng Kings gayundin ng Bolts dahil sa depensa nag-ugat kapwa ang naitala nilang panalo.
Gayunman, kinakailangan din nilang tiyakin na kumunekta ang kanilang opensa upang makamit ang inaasam na 2-1 bentahe sa serye.
-Marivic Awitan