MUKHANG magkakaroon na ng bakuna ang mundo matapos ihayag ng US biotech Moderna na ang experimental vaccine nito laban sa COVID-19 ay 94.5 porsiyentong mabisa. Ito ang ikalawang major breakthrough sa pagtuklas ng bakuna.
Inilabas ng Moderna ang maagang resulta mula sa clinical trial ng mahigit sa 30,000 tao o participants matapos ang US pharmaceutical company Pfizer at ang German partner nito na BioNtech ay nagsabi noong nakaraang linggo na ang kanilang bakuna ay 90 porsiyentong epektibo.
Ayon sa report, ang dalawang vaccine frontrunners ay nakabatay sa bagong plataporma na kung tawagin sa messenger ay RNA, na mas mabilis maiprodyus kaysa tradisyonal na mga bakuna. “This positive interim analysis from our Phase 3 study has given us the first clinical validation that our vaccine can prevent COVID-19 disease, including severe disease,” pahayag ni Stephane Bancel, CEO ng Moderna.
Plano ng kompanya na magsumite ng mga aplikasyon para sa emergency approval sa US at sa buong mundo sa loob ng ilang linggo. Inaasahang makapaghahanda ito ng may 20 milyong doses na handang ipadala sa US sa pagtatapos ng 2020.
Sa ngayon, may 54 milyong tao na ang tinamaan ng COVID-19 sa mundo at may 1.3 milyon ang namatay sapul nang ang virus ay sumulpot sa China noong nakaraang taon. Ang Moderna vaccine na co-develop ng US National Institutes of Health ay ibinigay sa dalawang doses sa magkahiwalay na 28 araw, at ang inisyal na resulta ay ibinatay sa 95 volunteers ng 30,000 na tinamaan ng COVID-19.
Papaano na ngayon? Ano na ang balita sa unang pinangalandakang Sputnik V vaccine na gawa sa Russia? Sa tuwa at kasabikan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa magandang balita ng Russian Sputnik V, sinabi niyang siya ang unang magpapabakuna nito.
Gayundin, ano na ang balita sa ibinabandong bakuna ng China, ang Sinovac? Kailan ito ilalabas upang makakuha tayo ng minimithing bakuna laban sa coronavirus na ayon sa ating Presidente ay bibigyang-prayoridad ng China ang Pilipinas dahil magkaibigan sila ni Pres. Xi Jinping?
Talagang mahal ni Pope Francis ang Pilipinas. Noong Linggo, nag-alay ng panalangin ang Santo Papa sa mga biktima ng bagyo at baha na dulot ng bagyong Ulysses na kumitil sa buhay ng 69 tao at puminsala sa may 1.7 milyong Pinoy.
Sa kanyang official Twitter account @Pontifex, inihayag ni Lolo Kiko ang kanyang pakikiisa at pagdamay sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga biktima at kapus-palad. Ipinost ni Pope Francis ang kanyang tweet habang rumaragasa ang tubig-baha mula sa kabundukan at sa gitna ng mga ulat ng malaking pagbaha sa Marikina City at mga lalawigan ng Cagayan at Isabela.
-Bert de Guzman