Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nalito lang ang Pangulo nang pagbantaan niyang aalisan ng budget ang University of the Philippines. Naipagkamali niya, aniya, na ang mga mag-aaral na nagbanta na magwewelga ay ang mga estudyante ng UP kaya ipinaliwanag niya na ang mga ito ay estudyante ng pribadong unibersidad, ang Ateneo de Manila. Ang mga estudyante ng UP ay nagprotesta at binatikos ang gobyerno sa pagresponde nito sa nakaraang mga kalamidad. Nanawagan naman ng student strike ang mga magaaral ng Ateneo de Manila, na tulad ng kanilang kapwa sa UP, ay nais na tapusin na ang semestral classes ngayon sanhi ng pandemya at mga nagdaang kalamidad.
Nalilito na pala ang Pangulo. Kaya, wika ni Sen. Leila de Lima: “Narinig kong nagalit ang Pangulo kagabi. May kasabihan: ‘Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising.’ Habang abala si VP Leni [Robredo]sa pagtulong sa ating mamamayan, ang matanda naman ay abala sa pagiging bastos.” Ang tinurang ito ng Senadora ay bilang reaksyon niya sa panunuligsa ng Pangulo kay VP Robredo nitong nakaraang Martes ng gabi. Ganito niya sinimulan ang kanyang pakikipagpulong sa task force COVID-19: “Gusto kong paalalahanan ang Bise Presidente. Gumawa siya ng malaking pagkakamali, nagsinungaling siya, wala siyang kakayahan magsabi ng katotohanan. Sinabi niyang wala ako sa panahon na bumabagyo. Nandito ako. Huwag kang makipagkompetensiya sa akin at huwag kang magsimula ng pakikipag-away sa akin dahil wala ka namang ginawa kundi nanawagan ‘Umalis na ba ang helicopter?’ Siyempre, ang sasabihin nila. Iyong tanog mo ay nagpapahiwatig ng kasagutan. Kapag naging Pangulo ka, bumili ka ng maraming swimsuit at lumangoy ka kapag naririyan na ang baha,” wika pa ng Pangulo.
Nalilito na nga ang Pangulo. Madali pa siyang magalit na wala naman dahilan. Eh hindi naman pala ang Pangalawang Pangulo ang nagtatanong kung nasaan ang Pangulo. Ang #NasaanAngPangulo ay ibinintang lamang ni Roque sa oposisyon na walang basehan. Maging iyong sinabi ni Presidential Legal Officer Salvador Panelo na nakisakay si VP Leni sa helicopter na nagdala ng government relief upang mapalabas nito na siya ang nagbigay ay walang katotohanan. Humingi ng paumanhin si Panelo kay Robredo, maging si Defense Sec. Delfin Lorenzana na, ayon kay Panelo, ay siya ang nagbigay ng maling impormasyon sa kanya hinggil sa helicopter. Kaya tuloy nasabi ni VP Robredo: “Ang mga nangyayaring ito ay nagpapakita na pinapaligiran ng mga nagkakalat ng fake news ang Pangulo. Malaking pagkakamali naman para sa Pangulo ang gumawa ng reaksyong ganito dahil nagre-react siya sa maling impormasyon.”
Malituhin na ang Pangulo, grabe pang magalit at masama pang magsalita sa taong itsinismis sa kanya na gumawa at nagsalita laban sa kanya. Ginagalit siya, hindi ng mga taong kanyang kinagagalitan, kundi ng kanyang mga alipores na nagbibigay sa kanya ng maling impormasyon. Nasa mabuti pa kayang kamay ang ating gobyerno, tanong ko uli.
-Ric Valmonte