SA kanyang paghahanda bilang isang ganap na professional boxers at isa sa pambato ng Philippine Team sa 2021 Tokyo Olympics, iginiit ni Eumir Felix Marcial na hindi siya kulang sa motibasyon para sa katuparan ng matagal nang pangarap sa sarili at sa sambayanan.
Walang puwang ang pamamasyal kay Marcial na puspusan na nagsasanay sa Wild Card Gym sa Lons Angeles, California sa pangangasiwa ni boxing hall-of-famer Freddie Roach, higit at may kirot pa rin sa kanyang puso dulot ng biglaang pagpanaw ng nakababatang kapatid – ilang araw matapos siyang umalis patungong US.
“Masakit man na ‘di ko siya makikita, mas pinili ko pa rin na mag-stay ako dito at magpatuloy sa ensayo. Alam ko yung kapatid ko mas masaya sa akin dahil pangarap din niyang manalo ako ng gold sa Olympics at maging world champion. Higit na dapat akong mag-sakripisyo para sa kanya,” pahayag ni Marcial sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports on Air via Zoom nitong Huwebes.
“Sobra talaga sakit ng katawan ko sa training dito, kase nung unang pagdating ko dito, halos mamatay-matay ako sa training nila eh, parang pagtapos ng training ang sakit ng katawan ko, tapos derecho na tulog ko. Sa tuwing gigising ako nagrequest akong magpamassage kase sobrang sakit ng katawan ko,” sambit ni Marcial sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Nilinaw ng 3-time Southeast Asian Games gold medalist na patuloy na nakatuon ang atensyon niya sa Olympics, sa kabila ng paglagda ng kontrata sa MP Promotion ni Senator Manny Pacquiao.
Aniya, sinusunod pa rin niya ang mga amateur program na ipinapadala ni men’s boxing head coach Ronald Chavez, gayundin ang tuloy-tuloy na tulong ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa kanilang pamilya. Gayunman, humingi pa rin ito ng karagdagang suporta sa Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang mga gastusin at pangangailangan sa kanyang page-ensayo.