Iginiit ni Senador Francis Pangilinan ang pagkakaroon ng respeto sa mga magsasaka na siyang bumubuhay sa bansa sa gitna na rin ng naglabasang larawan ng mga ito mula sa Department of Education (DepEd) kung saan ipinakikita ang sira-sira nilang kasuotan.
Sa budget deliberation ng DepED, sinita ni Pangilinan ang naglabasang larawan hinggil dito at sinabi nito na kailangan ay naaayos ito ng DepEd bago pa ito maipalabas.
“Kung ganito ang pagsasalarawan ng mga magasasaka, para itong stereotyping… Ginagawa silang kasuklam-suklam. We understand that a vast majority of our farmers are poor. But to stereotype them, ano ang magiging mensahe sa ating mga kabataan? Na hindi katanggap-tanggap ang maging magsasaka?” pagdidiin ng senador.
Nag-ugat ang usapin sa isang Facebook post ni Ma. Teresita Santillan ng Marinduque kung saan nakalagay sa modules para sa Grade 3, ang larawan ng isang magsasaka na sira ang mga damit at napapaligiran ng mga bata, at ang iba ay walang damit.
-Leonel Abasola