KASAYSAYAN!

Ni Edwin Rollon

MAGING sa larangan ng chess, tunay na hindi pahuhuli ang atletang Pinoy sa talaan ng kasaysayan sa international sports.

Mula sa pagiging kauna-unahang Asian chess Grandmaster, pinakaunang GM sa buong mundo si chess icon Eugene Torre na nabigyan ng government professional license.

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

“We congratulate Grandmaster Eugene Torre for becoming the first Grandmaster in the Philippines -- and according to the record of the Professional Chess Association of the Philippines -- in the world to receive a government professional license in chess,” pahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa ginanap na official announcement sa GAB-PCAP joint media conference kahapon via Google.

torre copy

Kamakailan, tinanggap ng GAB ang aplikasyon ng PCAP, sa pamumuno ni Atty. Paul Elaria, at sa pakikipagtulungan ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) para maging kauna-unahang professional chess league sa bansa at sa Southeast Asia.

Tulad ng ibang pro league, iginiit ni Mitra na handa ang GAB na gabayan at tulungan ang PCAP, higit sa aspeto ng seguridad ng mga atleta, ngunit mananatiling nakaantabay lamang bilang paggalang sa pagkakaroon ng ‘self regulation’ ng mga pamunuan.

“Partner po kami at hindi kalaban. We regulate and sanctioned the event, pero tiwala po kami sa self-regulation ng mga liga. But ofcourse kung may problema sa kontrata at nagigipit ang atleta at ang liga mismo, kami po sa GAB ay handang tumulong at umaksiyon,” sambit ni Mitra kasama sina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid.

Pinasalamatan naman ni Torre ang GAB at ang pagkakaisa ng lahat ng stakeholders sa chess sa ipinapalagay niyang ‘breakthrough’ in Philippine chess.

“Salamat po sa pagkilala sa ating kakayahan. Natutuwa po ako sa naging kaganapan sa Philippine chess. Malaking tulong itong PCAP para sa development ng chess, and of course boost the morale and spirits of our chess players, particularly the women, Para athletes and the young generation,” sambit ni Torre.

Bilang isang lisensiyadong GAB pro chess player, pasok si Torre na makalaro sa PCAP na nakatakdang magbukas ng season sa Enero sa susunod na taon.

“Of course, entitled pong sumali si GM Torre. Actually, marami na pong team ang interesado, hindi lang po namin alam kung may napili na si GM,” sambit ni Elaria.

Para masiguro ang ‘balanced’ ang manpower sa mga teams, sinabi ni Elaria na naglagay sila ng ‘salary cap’ per team at may price ceiling sa suweldo ng mga players bawat Board. Sa komposisyon ng team, may isang slot kada team na ‘restricted player’, isang women player at isang Para athlete, habang kailangan piliin ang ibang members sa pamamagitan ng drafting.

“All players siyempre kailangan magpalisensiya muna sa GAB. Yung mga rating nila sa NCAP ang gagamiting batayan kung pasok na silang maging pro. May gagawin kaming drafting para makapili ang mga teams ng players nila,” sambit ni Elaria kasabay nang pahayag na umabot na sa 24 ang koponan na kumpirmadong lalahok.

Sinabi naman ni NCAP Executive Director Atty. Cliburn Orbe na ang kaganapan sa Philippine chess ay katuparan nang matagal na niyang pangarap at panaginip.

“Sa aking panaginip nakita ko po ito. At sa aking palagay nagkaroon po ito ng kaganapan dahil sa pagkakaisa ng buong chess community, atleta at mga opisyal,” ayon kay Orbe.