SA 896 barangay ng Maynila, 73 ang kinilala ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang linggo sa pagkakaroon ng zero COVID-19 infection sa nakalipas na dalawang buwan. Nakatanggap sila ng P100,000 bawat isa mula sa pondo sa pamahalaan ng siyudad na inaprubahan ng city council.
Ang pagbibigay ng pondo sa mga barangay ay ideya ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Nasa desisyon na ng bawat barangay kung saan gugugulin ang salaping ibinigay sa kanila. Maaari itong magamit na pondo para sa matagal nang naantalang proyekto. O gamitin upang higit pang palakasin ang depensa ng barangay laban sa coronavirus.
Habang binabati natin ang 73 barangay, umaasa rin tayo na ang natitira mula sa 896 barangay ng Maynila ay susuriin ang kanilang sitwasyon upang malaman kung ano ang patuloy na nagdudulot ng COVID-19 infection sa kanilang lugar. Tiyak na nais rin nilang tumanggap ng extra P100,000 mula sa lungsod, ngunit kailangan din nilang gawin ang kanilang bahagi.
Nadala ang virus sa loob ng bansa mula sa isa na nanggaling sa labas, maaaring bisita o turista. Ang pinagmulang ito ng impeksyon ay natapos na sa walong buwan ng lockdown na ipinatupad ng pamahalaan mula noong Marso.
Anumang bagong impeksyon ay maaaring naggaling na sa loob mismo ng barangay. Maaaring mula sa isang kalapit na kapitbahay na nakipag-inuman tulad ng nakasanayan. O maaaring isa na nagdiwang ng kaarawan na may kasamang maliit na pagtitipon na nagkataon namang may kasama na hindi pa nagpapakita ng sintomas ng virus. Hindi na kakayanin pa ng siyudad na masuri ang ganitong maliliit na pagtitipon, ngunit kaya ito ng barangay.
Nakasailalim ngayon ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) at maaaring malipat sa Modified GCQ sa pagtatapos ng buwan. Gayunman, sa mga restriksyong ito, limitado pa rin ang kayang gawin ng lokal na pamahalaan. Nakasalalay pa rin ang responsibilidad sa bawat indibiduwal at kanyang pamilya.
Sa sistema ng Maynila na pagbibigay ng reward, nadagdag ngayon sa mga barangay ang sistema ng pagsusuri ng mga paglabag. Sa paglipas ng mga araw, umaasa tayong mas maraming barangay pa ang makakasama sa 75 barangay na kinilala ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang linggo.
Higit dito, umaasa rin tayo na gagawin ng bawat indibiduwal ang kanilang sariling responsibilidad sa pagiging matapat sa restriksyon binuo ng World Health Organization at ngayo’y ginagamit natin kasama ng pangunahing formula na “Mask, Hugas, Iwas.”
Mahalaga ang bawat hakbang. Malaki ang ambag na maibibigay ng reward system ng Maynila. Malaki ang naitulong ng maagang pagpapatupad ng retriksyon ng pamahalaan sa mga rehiyon noong Marso, walong buwan na ang nakalilipas, upang maisalba ang bansa mula sa libu-libong pagkamatay na patuloy na nararanasan ng maraming bansa sa Europe at Amerika hanggang ngayon. Ngunit ang tiyak na responsibilidad ay nakasalalay pa rin sa bawat tao.