MASUSUBUKAN ang tatag at resistensiya ng Gilas Pilipinas sa darating na second window ng 2021 Fiba Asia Cup qualifiers sa Manama, Bahrain.

Ito’y makaraang baguhin ang naunang schedule ng mga laro ng ating all-cadets team na nakatakdang maglaro ng apat na laro sa apat na sunod ding araw.

Base sa bagong schedule, unang makakasagupa ng Gilas ang Thailand sa Nobyembre 27, mula sa orihinal na schedule na Nobyembre 26. Ang larong ito ang na-reschedule na laban nila noong nakaraang Pebrero sa first window na hindi natuloy dahil sa COVID-19.

Sunod nilang haharapin ang Korea sa Nobyembre 28.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kung sakali, posibleng mapahinga ang Nationals sa araw na ito kung itutuloy ng Korea ang naunang desisyon nito na hindi magpapadala ng kanilang national team bilang pag-iingat sa patuloy pa ring lumalaganap na pandemya.

Sa Nobyembre 29 naman ay makakatunggali ng Gilas ang Indonesia ni coach Rajko Toroman. Ang laro namang ito ay kabilang dapat sa third window sa Pebrero 2021.

At para sa huling laro,makakasagupa nila ulit ang Thailand sa Nobyembre 30. Kasalukuyan namang kinukumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang nasabing bagong schedule.

Walang PBA players na kasamang lalaro sa second window ang mga Gilas cadets na pinangungunahan nina special Gilas draftees Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Jaydee Tungcab at ng kambal na sina Matt at Mike Nieto.

Nagsimula na ang koponan ng kanilang bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna noong Biyernes.

Kasama din sa 16-man pool ang mga collegiate stars na sina Kobe Paras, Juan Gomez de Liaño, Justine Baltazar, Dwight Ramos, Dave Ildefonso, Will Navarro, Javi Gomez de Liano, Calvin Oftana, Kemark Carino, at Ivorian center Angelo Kouame.

-Marivic Awitan