SUNOD-SUNOD ang pananalasa ng mga bagyo sa ating bansa simula nitong Oktubre, na bumabaybay sa kanluraning ruta kung saan Catanduanes ang unang sinasapol, kasunod ang Albay, Camarines Sur at Norte, patungong Quezon. Humihigop ng lakas ang mga bagyo mula sa karagatan. Sa pagtama nito sa lupa, unti-unting nauubos ang lakas nito, kaya naman kapag dumaraan na ito sa kanlurang bahagi ng Luzon, hindi na ito kasing-lakas tulad sa isla ng Catanduanes na una nitong tinamaan.
Nitong Huwebes, timaan ng Bagyong Ulysses ang Catanduanes tulad ng kalimitang lakas ng bagong bagyo ngunit sa pagkakataong ito tilas napanatili nito ang mapaminsalang lakas habang tumatawid ng Quezon at Central Luzon, ang malakas nitong hangin at matinding pag-ulan ay bumagsak sa malawak na bahagi kabilang ang Metro Manila at Southern Tagalog.
Hindi pangkaraniwang lakas ng ulan ang ibinuhos nito sa Metro Manila, kung saan nagdusa ang Marikina sa matinding pagbaha na nagpalubog sa halos buong bahagi ng siyudad nitong Huwebes ng gabi. Kaya naman puno ang mga pahayan nitong Biyernes ng mga larawan ng mga pamilya na lumikas sa bubong ng kanilang bahay dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Sa kaparehong araw, laman din ng mga pahayagan ang ulat mula sa isang pag-aaral sa Japan patungkol sa North Atlantic hurricanes mula 1967 hanggang 2015. Kadalasan, sa nakalipas, nagsisimulang maubos ang lakas ng bagyo pagtama nito sa lupa. Gayunman, sa nakalipas na 50 taon, natuklasan sa pag-aaral, na napapanatili ng mga bagyo ang lakas nang mas matagal sa lupain. Hindi na lamang limitado ang matinding pinsala sa mga baybaying lugar; umaabot na rin ito hanggang sa inland.
Natuklasan din ng mga mananaliksik ang koneksyon sa temperatura ng karagatan. Kapag mas mataas ang sea surface temperature, nananatiling mas malakas ang bagyo sa lupa sa mahabang panahon. Kaya naman ang pinsala ay isang direktang resulta ng tumataas na temperatura ng mundo, na dulot ng walang tigil na carbon emission mula sa mga industriya ng mundo.
Maaari itong magpaliwanag kung bakit nagdulot ng matinding pinsala ang Ulysses kasama ng matinding pag-ulan sa Metro Manila, kung saan Marikina ang pinakanapuruhan sa malalang pagbaha. Higit 40,000 kabahayan ang nalubog nang umabot ang lebel ng tubig sa Marikina river sa mataas na 22 metro dakong 11 ng umaga nitong Huwebes, na nalampasan pa ang talang 21.5 metrong lebel ng tubig noong Setyembre, 2009, nang manalasa ang Bagyong Ondoy sa Metro Manila.
Libu-libong mga bahay ang nalubog sa tubig nitong Huwebes sa mga barangay ng Nangkla, Tumana, at Malanday. Itinuturing na catch basin ng Metro Manila ang Marikina, kung saan maraming ilog ang dumadaloy patungo sa Marikina River Basin. Kaya naman libu-libong istranded sa kanilang mga bubungan nang wala man lamang pagkain o pamalit na damit, ang naghintay na ma-rescue. Maging ang Marikina City Hall ay hindi nakaligats sa baha.
Nakaranas din ng baha ang mga mabababang lugar sa Pasig City, Mandaluyong City at iba pang bahagi ng Metro Manila. Iniulat ng Metro Manila Development Authority na halos 20,000 ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan sa buong rehiyon. Isang konkretong pader ang nagiba sa Maynila, kaya’t nasa 58 tao ang nakulong sa kanilang mga barung-barong. Nakaransa din matinding pagbaha sa Rodriguez, Cainta, at iba pang bayan sa probinsiya ng Rizal.
Lumalabas na bahagi ang Ulysses ng nagbabagong panahon sa buong mundo, na direktang konektado sa climate change. Nag-anunsiyo na ang malalaking industriyal na bansa tulad ng China at Japan ng plano para sa pundamental na pagbabago sa kanilang mga industriya upang mabawasan ang epekto sa panahon ng mundo ngunit dekada pa bago natin makita ang malaking pagbabago. Sa ngayon, kailangan natin paunlarin ang paghahanda para sa dumadalas na mapaminsalang bagyo na dumaraan sa bansa.