NI-WELCOME nitong Biyernes ng United States ang suspensyon sa pagtatapos ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at ng US sa pangalawang pagkakataon kasabay ang paniniyak sa pinakamatagal nitong alyado sa Southeast Asia (PH) ng commitment na lalong palalakasin ang mutual security ties.
“Nais naming i-welcome ang Nov. 11 decision ng Philippine Government na suspendihin ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement ng panibagong anim na buwan. The US-Philippines alliance remains vital to our robust, deep-seated bilateral relationship,” pahayag ng US embassy sa Maynila.
Binigyang-diin ng US na patuloy na magiging kapartner nito ang Pilipinas upang palakasin pang lalo ang mutual security ties. Sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. noong Miyerkules na ipinasiya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na palawigin pa ang suspensiyon sa abrogation ng VFA ng panibagong anim na buwan.
Mayaman man o mahirap, dapat tiyakin na lahat ng bansa ay magkakaroon ng access sa ligtas na bakuna laban sa coronavirus 2019 (COVID-19), pahayag ni PRRD sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.
Nagsalita ang Pangulo sa pagbubukas ng 37th ASEAN Summit sa isang virtual plenary session. “Dapat tayong magkasama sa pagtatrabaho upang masiguro na lahat ng bansa, mayaman o mahirap man, ay magkaka-access sa ligtas na bakuna. Wala kahit sino man ang ligtas hanggang hindi tayo ligtas na lahat.”
Walang nakikitang problema ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtatrabaho ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United States sa sandaling maupo si President-elect Joe Biden bilang Pangulo ng Estados Unidos.
Naniniwala si Labor Sec. Silvestre Bello III na maganda ang trato sa mga manggagawang Pinoy sa US at ito ay hindi magbabago sa Biden adminstration. “Wala tayong mga reklamo tungkol sa treatment ng OFWs doon. We haven’t heard much of OFWs being abused in the US.”
Aniya, ang nakatatagpo lang ng problema ay iyong mga Pilipino na pumapasok sa US nang ilegal. “Ang nakalalasap ng abuso roon ay hindi OFWs, kundi illegal entrants tulad ng pumupunta roon para mag-aral, pero ang tunay na layunin ay maghanap ng trabaho.”
Noong 2009, binayo ng Typhoon Ondoy ang Metro Manila na nagdulot ng grabeng pagbaha at nagbunga ng pagkamatay ng maraming tao at pinsala sa mga ari-arian. Nitong 2020, muling dumanas ang mga bayan at siyudad sa Metro Manila dahil sa pananalasa ng Typhoon Ulysses. Maraming residente ng Marikina City at kalapit na bayan ng Rodriguez (Montalban) at San Mateo ang na-trap sa kanilang mga bahay sanhi ng malaking tubig-baha na nagpalubog sa mga tirahan.
Sa Marikina, ayon sa ulat noong Sabado, mahigit sa 40,000 bahay ang lumubog nang ang water level ng Marikina River ay tumaas ng hanggang 22 metro dakong alas-11 ng umaga, mataas kaysa 21.5 metro na nai-rekord noong Setyembre 2009 nang bahain ni Ondoy ang Metro Manila.
Hindi lang sa Metro Manila nanalasa ang mga bagyong Ulysses, Rolly at Quinta kundi maging sa Bicol, Visayas at Northern Luzon. Libu-libong pamilya ang naapektuhan ng mga bagyo at baha, walang makain, nagiba ang mga bahay at natangay ang mga gamit.
-Bert de Guzman