AYON kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat tumigil na ang mga tao sa pagtatanong kung nasaan ang Pangulo sa panahon ng kalamidad dahil laging niyang alam ang nangyayari sa bansa. “Hindi nawawala ang Pangulo. Lagi natin siyang kasama, lagi niyang iniisip ang kapakanan ng kanyang mga kababayan,” wika pa niya. Kasi, muling hinanap ng mga Pilipino sa online si Pangulong Duterte habang sinasalanta ng bagyong Ulysses ang maraming bahagi ng bansa. Nagtrending sa Twitter ang hashtag #NasaanAngPangulo at sa mga malaking letra nakasulat ang ULYSSES at USELESS katabi ang larawan ng Pangulo na natutulog. Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na hinanap ng mga tao ang Pangulo habang ang naitalang pinakamalakas na bagyo na naganap sa buong daigdig, ang Bagyong “Rolly,” ay nananalasa. Nagtaka ang mga Pilipino sa online kung nasaan siya dahil wala siya sa unang publikong pagtalakay hinggil sa bagyo. “Yung sabi na wala ako dito kasi nasa probinsya, ano ang problema? Ang mga papeles pinadadala niyo diyan, tapos pirmahan ko, ipadala ko uli. Eh machine lang naman ‘yan. Gusto mo bang tumayo ako doon sa puting buhangin ni Roy Cimatu upang ipakita lamang na narito ako,” paliwanag ng Pangulo nang una siyang hindi na makitang pinulong ang kanyang Gabinete kasama ang PAGASA para ihanda ang gobyerno at sambayanan sa pagdating ng bagyo. Ginawa niyang pulong nang lumabas na ang bagyo sa bansa pagkatapos niyang dalawin ang Guinobatan, Albay galing Davao City. Ang puting buhangin na binanggit niya ay ang dolomite na itinambak sa baybayin ng Manila Bay.
Nakapanira na rin ang bagyong Ulysses nang sumipot ang Pangulo sa dalawang minute video na inilabas ng Malakanyang. Ipinakita siyang nasa helicopter na gumagawa ng aerial inspection sa mga lugar na lubhang napinsala tulad ng Marikina. Ipinangako niya na darating ang tulong ng gobyerno sa mga nasalanta at walang maiiwan sa mga ito. Wala siyang ganitong pangako na binitiwan sa mga mamamayang kalunos-lunos ang sinapit sa pananalasa ng bagyong Rolly sa Bicol region. Baka marahil ang naririto si Bise Presidente Robredo at naririto ang oposisyon na pinagbibintangan ni Roque na nasa likod ng trending hashtag #NasaanAngPangulo. Isa pa, iyong ganitong mga pangako ay pang Pulse Asia. Natupad ba ang kanyang pangako sa Marawi na pinulbos niya, pero hanggang ngayon hindi pa nakauuwi ang mga taga rito? Sa mga biktima ng Bagyong Yolanda?
Nang manalasa ang Ulysses, sinabi ng Pangulo na gusto niyang samahan sa paglangoy ang mga taong nalubog sa tubig baha, pero pinigilan siya ng Presidential Security Group. “Iisa lang daw ang Presidente,” ito ang kanyang karagdagang sinabi na hindi nasensor at naputol. Totoo kaya, iyong sinasabi ni Roque na hindi na kailangan hanapin ang Pangulo dahil ang laging nasa isip niya ay ang kapakanan ng mamamayan? Hindi kaya kanya? Sa panahon na nasasalang sa panganib at mahigpit na pagsubok ang sambayanan, hindi mo maiaalis na hanapin ang Pangulo na, kahit paano, ang kanyang presensiya, hindi ang kanyang 91 percent trust rating, ang magpapatiwasay sa kanilang kalooban.
-Ric Valmonte