SA panahong naghahanap ang mundo ng pag-asa sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic at bagsak na ekonomiya ng mga bansa na hindi pa inaasahang makababangon sa madaling panahon, isinagawa sa China ang taunang “Single’s Day” shopping spree nitong Miyerkules.

Ang taunang sale na pinangunahan ng retail giant Alibaba noong 2009 upang mag-alok ng mababang presyo sa milyon-milyong populasyon ng China, kasama ng malalaking discounts sa mga produkto tulad ng beauty products at electronics, sa ika-11 na araw ng ika-11 na buwan ng taon—na tinawag na “Singles Day.” Naging isang buwang kaganapan na ito kasama ng iba pang retailers, tulad ng ID.com at Pinduoduo, at ang buong retail sector ng China na nakikiisa sa consumer holiday.

Ang “Singles Day” ay besyon ng China ng “Black Friday” ng United States. Ang taunang sale matapos ang Thanksgiving, kung saan dagsa ang mga Americans sa mga stores sa buong US para mag-early Christmas shopping, ng mga laruan, manika, at laptops na nagtatala ng pinakamalaking benta ng taon.

Sa araw na ito, pinangungunahan ng American retail giants Amazon, Home Depot, L Brands, Walmart, Best Buy Co., Macy’s, ang araw ng low-price sales. Sa mga nakalipas na taon, ang orihinal na one-day sale ay pinalawig ng buong buwan ng Noyembre, upang mas maging maayos ang karanasan kumpara sa mga araw kung saan dinudumog ng mga shoppers ang mga tindihan sa puntong magbukas na ito upang mabili ang limitadong bilang ng produkto sa napakababang presyo.

Sa “Singles Day” ng China nitong Miyerkules, iniulat ng Alibaba ang 372.3 billion yuan na benta— $56 billion — mula nang mag-umpisa ang annual sale nitong Nobyembre. Napaulat na mas malaki pa ito sa pinagsamang Gross Domestic Product ng Iceland, Lebanon, at Georgia. Ang kabuuang kita mula sa consumer marathon ay umabot sa higit $100 billion. Katumbas ito ng P5 trillion sa salapi ng Pilipinas.

Sa China unang umusbong ang COVID-19 virus noong Disyembre 2019, at nagpatupad ang pamahalaan ng restriksyon na nagpasara sa buong mga probinsiya na may milyon-milyong taon sa panahong iyon. Ito ang unang bansa na naka-recover mula rito.

Karamihan sa ibang bahagi ng mundo—ang United States, Europe, India, Russia, Brazil, Iran — ay patuloy na nagdurusa sa virus hanggang ngayon. Ngunit nagpaplano na rin sila para sa pagbangon ng ekonomiya, na inaasahang sa 2021, matapos masolusyunan ang problemang medikal.

Isa itong mahaba at mahirap na proseso para sa maraming bansa na nagdusa sa malaking kawalan ng produksyon ng ekonomiya dahil sa pandemya. Ang naging karanasan ng China—sa idinaos nitong Miyerkules na “Singles Day” billion-dollar sales na suportado ng mga mamamayan nito—ay makatulong sana sa pagpapataas ng pag-asa ng maraming bansa na nananatili sa panganib ng COVID-19.