UMAABOT pala sa 350,000 ang bilang ng mga Pilipino na overstaying o ilegal na naninirahan sa United States ang nahaharap sa deportasyon dahil sa kawalan ng kaukulang papeles. Sila ang kung tawagin ay “tago nang tago” o TNT.
“May 350,000 Pinoy ang overstaying dito sa United States at nahaharap na mapabalik sa Pilipinas,” ayon kay PH Ambassador to US Jose Manuel “Babes” Romualdez. “They’re in court right now, deportation court.”
Gayunman, ayon kay Romualdez, maganda ang imahe ng Filipino community sa Estados Unidos. Umaasa ang Malacañang na sa tagumpay ni ex-Vice Pres. Joe Biden bilang bagong Pangulo ng US, malaki ang maitutulong nito para sa pagluluwag sa immigration law na hinigpitan ni outgoing US Pres. Donald Trump.
Sinabi ni Romualdez na kilala ang mga Pinoy sa bansa ni Uncle Sam bilang good workers, masipag, matapat kung kaya naging mabait at maunawain ang Democrats at Republicans sa ating mga kababayan. “There’s very little Filipinos involved in any kind of crime”.
Maraming Pilipino ang nasa frontline sa COVID-19 pandemic sa US na itinuturing na bansang pinakamarami ang kaso ng coronavirus. Sa huling report, may 10 milyon na ang mga kaso ng COVID-19 sa US at halos 240,000 ang namamatay. Baka raw lumala at dumami pa ito sa pagdating ng winter.
Kinikilala at appreciated ng mga Amerikano ang serbisyo ng mga Pilipino bilang frontliners sa COVID-19 pandemic. “When I speak with many of the US senators, both Democrats and Republicans, we don’t agree on many issues that they throw our way, but we end up agreeing on one thing: They like the Filipino community here in the United States,” ayon kay Romualdez.
Kahit naman saan mapadpad ang mga Pinoy sa mundo, hinahangaan sila dahil sa kasipagan, kabaitan, katapatan at pagiging masunuring mamamayan. Lagi nang sinasabi na ang Pilipino ay maikukumpara sa kawayan, humahapay at yumuko sa hampas ng hangin (lalo na kung bagyo), subalit muling tumatayo pagkatapos ng unos.
Ipinatawag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang 40 tauhan at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Malacanang noong Lunes. Pinagalitan sila nang husto ng Pangulo na ayaw na ayaw sa kurapsiyon. Ang 40 ay sangkot umano sa tinatawag na “pastillas scheme” o paglalagay ng suhol na pera na nakabilot sa puting papel na balutan ng pastillas.
Sa video na ipinalabas, makikitang inaahinan o binibigyan ng pastilyas na nakalagay sa plato ang 40 BI employees and officials. Hindi maliwanag kung ang pastilyas na may laman daw pera (marahil ay peso bill) ay ipinakain at ipinanguya ni Mano Digong sa mga tiwaling tauhan ng BI.
Kung natatandaan ninyo, nagbanta si PRRD na ipakakain niya sa mga tiwaling kawani at opisyal ng BI ang pera na nakurakot nila mula sa suhol ng mga Chinese na ilegal na pumapasok sa bansa. Ipinanguya kaya? Sa tantiya ni Sen. Riza Hontiveros, aabutin ng P40 bilyon ang nadekwat ng corrupt BI personnel sa pamamagitan ng tinatawag na “pastillas scheme”. Hoy mahiya naman kayo. Hindi ba kayo nakukunsensiya na ang ipinakakain sa pamilya ay mula sa kurakot at nakaw?
-Bert de Guzman