Ngayong Linggo, isa na namang makabuluhang dokumentaryo ng “The Atom Araullo Specials” ang mapapanood kung saan tatalakayin ni Atom Araullo ang isyu ng kalusugan sa gitna ng pandemya.
Bago pa man magsimula ang COVID-19 pandemic, sinusundan na ni Atom ang kuwento ng isang albularyo sa Cavite na si Arturo Solon “Jesus Man” ang tawag niya sa kanyang sarili. Ang hindi nakatatayo, napapalakad daw niya. Ang may malubhang sakit, himala raw niyang napagagaling.
Kuwento ni Arturo, minsan na raw siyang namatay pero muli siyang nabuhay. Doon na raw nagsimula ang kanyang kapangyarihang manggamot. Hindi lang siya sa kanyang kapilya pinipilahan ng mga umaasang gumaling sa iba’t ibang sakit dahil maging sa social media, libo-libo rin ang followers niya.
Tampok din ngayong Linggo si Evangeline na unang nakapanayam ni Atom noong Pebrero. Sa isang araw, umiinom si Evangeline ng 18 capsule ng isang supplement para sa kanyang breast cancer. Pero sa halip na bumuti ang kalagayan, tila lumala pa ang kaniyang kondisyon.
Ngayong may pandemya, tila sinasamantala rin ito ng mga sangkot sa illegal na kalakaran. Sa mga nakalipas na buwan, sunod-sunod ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation o NBI sa mga pinagtataguan ng mga hindi rehistradong gamot na para umano sa COVID-19.
Huwag palampasin ang “Pangakong Lunas” sa The Atom Araullo Specials ngayong November 15, 3:45 p.m., sa GMA-7.