Sa dalawang paraan inaatake ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos si Mahistrado Marvic Leonen ng Korte Suprema. Nalagay kasi siya sa gitna ng labanan nina Vice President Leni Robredo at ng dating senador. Sila ang naglaban sa pagkapangalawang pangulo noong nakaraang presidential election at tinalo ni Robredo si Marcos sa botong 263,000. Dahil dito, nagsampa n protesta si Marcos laban kay Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na ang namumuno nito ay si Justice Leonen. Kaya, ang unang paraan ni Marcos sa pag-atake sa mahistrado iyong pina-didisqualify siyang chairperson ng PET. May kinikilingan, aniya, ito at noon pa ay nakabuo na ito ng pasiya hinggil sa kanyang protesta. Ang ikalawang paraan ay iyong ginamit ni Solicitor General Jose Calida laban kay dating Chief Justice Lourdes Sereno kaya napatalsik ito. Nais sampahan ng quo warranto proceeding si Leonen upang mapatalsik din ito. Kaya, ang layunin niyang makakuha ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mahistrado, na binigo na ng Korte Suprema, ay ipinursige niya sa pamamagitan ng motion for reconsideration. Nais niyang gawing batayan ito, tulad ng ginawa niya sa dating Chief Justice, ng isasampa na naman niyang kasong quo warranto laban kay Leonen.
Isa pa sa mga reklamo ng dating senador laban sa mahistrado ay pinagtatagal nito ang pagpapasiya sa kanyang protesta. Sa totoo lang, ang nagpapatagal ay ang Korte Suprema mismo. Pagkatapos na hindi napatunayan ng dating senador na ang lamang ni Bise-Presidente Leni ay bunga ng pandaraya, katunayan nga, lumamang pa ito sa ginawang panibagong bilangan, dapat ay ibinasura na ang kanyang protesta. Ang nais ngayon nito ay ideklara ng PET na may failure of election. Hindi kaya pag-atake ito sa buong proseso ng nakaraang presidential election na ang may kapangyarihang magpasiya nito ay ang Commission on Elections? May maitutulong ba sa layuning ito si dating Comelec Chairman Andy Bautista? Kasi, pagkatapos niyang mawala sa eksena na may katagalan na ring panahon, umugong na naman ang kanyang pangalan. Gagawing bang whistle blower ito?
Sa mga nangyayari ngayon, ang mga hiwalay na ikinikilos ng kasalukuyang administrasyon ay tumutungo lamang sa isa at parehong direksyon. Kinakamada na nito ang mga paraan kung paano manlalamang sa nalalapit na presidential election. Kung noong nakaraang halalan, naging epektibo ang pekeng war on drugs dahil sinimulan ito ng mga pagpatay, pananakot at karahasan, hindi nakagalaw ang mga pulitiko at nagpilitang suportahan ang mga kandidato ni Pangulong Digong sa takot na masama sila sa narcolist na matatambangan. Ngayon naman, sinusubukan na ang red-tagging. Binabanatan na ang mga aktibista, lider-manggagawa at magsasaka, at mga pulitiko na kalaban o lumalaban sa administrasyon.
Komunista sila, aniya, o sumusuporta at nagtataguyod ng simulain nito. Iwinagayway na ang mga poster at streamer laban sa CPP-NPA na noon ay laganap na nakahayag sa kanayunan at hindi lang iilan ang mga naging biktima ng extra-judicial killing na bukod sa pangalan, larawan pa ng mga ito ang nakakabit sa mga nasabing poster at streamer. Ang ginagawa kay VP Robredo ay bahagi ng kinakamadang paraan ng paghahanda para sa darating na halalan dahil siya ang nakikitang magiging isa sa mga kalaban nila. Kaya lang, sa tulong nila, nakakakampanya na ito at lalong nasusubok ang kanyang lakas, tapang at katatagan sa laban. Ganito si Justice Leonen na ang sinabi ng kanyang kaklase sa UP na pinaslang na matalino at matapang na lider ng kabataan na si Alejandro ay lagi niyang naaalala: “The firing line is the best place to die to with honor.”
-Ric Valmonte