ANG naganap na lockdown dulot ng COVID-19 pandemic ang nagbigay ng pagkakataon sa Premier Volleyball League (PVL) na ayusin ang mga maling prioridad. At sa pagkakataong ito, kasaysayan ang nilikha ng school-based volleyball league sa bansa.

Mitra

Nakatakdang tanghaling kauna-unahang professional league sa bansa ang PVL matapos selyuhan ang huling mga dokumento na isinumite sa Games and Amusements Board (GAB) – ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa at nagpapatupad ng regulasyon sa professional sports sa bansa.

‘Masaya po kami sa GAB at nakikiisa na rin ang PVL sa aming programa at layunin ang ayusin ang pagpapatakbo ng mga liga sa professional level. Ang GAB sanctioned po ay hindi dapat katakutan, bagkus makatutulong po ito para mapatakbo ng mas maayos ang liga at protektado ang mga players ang indibidwal na sangkot dito,” pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Ngayon pong na-realized ng PVL ang kahalagahan ng sanctioned ng GAB na matagal na naming ipinaliliwanag sa kanila, I congratulate the officers and team owners sa kanilang desisyon,” aniya.

Matagal nang may negosasyo ang GAB sa PVL at iba pang liga na hindi sakop ng Philippine Sports Commission (PSC) at collegiate league.

“Yun nga although school-based yung PVL, yung mga estudyanteng players at mga import nila ay may mga kontrata. Matagal na po naming itong sinasabi na kung ang players ay tumatanggap ng suwelod kahit sabihan pa nating allowances at may kontrata professional po ang liga,” sambit ng dating Palawan Governor at Congressman.

Ayon kay Mitra, pormal na ipahahayag ng PVL ang kanilang pagiging professional sa isasagawang joint media conference ng GAB at PVL ngayon via Zoom ganap na 6:00 ng gabi.

Sa kasalukuyan, nagpahatid na rin ng intensyon ang Beach Volleyball Republic, Inc. (BVR) na magpasailalim sa regulasyon ng GAB bago ang pagsisimula ng kanilang bagong season sa Enero.

Bukod sa dalawang liga, ang Philippine Super Liga (PSL) na pinangangasiwaan ni athletics president Philip Ella Juico, ang isa pang volleyball league na binubuo ng mga pribadong kumpanya, habang ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Senator Manny Pacquiao ay hindi pa rin tumatalima sa memoramdum ng GAB.

“Ginagawa naman po namin ang lahat. Kinakausap namin sila at ipinaliliwanag ang senaryo at kahalagahan na mapasailalim sa regulasyon ng GAB ang kanilang liga. Para po ito sa kapakanan ng kanilang mga atleta at players. Hopefully, ma-realized nila at kami naman po sa GAB ay naghihintay lamang ng kanilang tugon,” pahayag ni Mitra.

Iginiit ni Mitra na nagkasundo na ang GAB at PSC kamakailan sa nilagdaang GAB-PSC Joint Resolution No. 2020-01 para maklaro ang kapangyarihan sa pagitan ng professional at amateur athletes.

Sinabi ni Mitra na bukod sa naturang guidelines, nagpasa rin ang GAB Board ng resolusyon para magpalabas ng ‘Special Guest License’ kung saan pinapayagan ang college players na maglaro sa professional league bilang bahagi ng pagsasanay at sa limitadong panahon lamang.

Bibigyan din ito ng linaw sa hiwalay na joing media conference ng GAB at NCAA via Zoom ngayon ganap na 10:00 ng umaga.

“Lahat po ng paraan para po matulungan ang ating mga atleta ay ginawa ng GAB para sa kanilang kapakanan,” sambit ni Mitra.

-Edwin G. Rollon