“Sa aming maigsing pulong, nagpakalat siya ng pastillas, sa mga BI personnel. Ayon sa Pangulo, pera ang laman ng mga ito. Gusto niyang ipakain sana sa mga ito ang pastillas, pero hindi niya ito ipinursige alang-alang sa akin. Sinabi na lang ng Pangulo sa kanila: ‘Kainin ninyo o ibigay sa una ninyong makikita ng pulubi.’ Sa huli, sinabi na lang niya na may mga kasong nakasampa laban sa kanila at harapin na lang nila ang mga ito,” wika ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kanyang viber message. Isa ang kalihim sa mga miyembro ng Gabinete na dumalo sa pulong na tinawag ng Pangulo nitong Lunes ng gabi kung saan ipinatawag niya ang 40 empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “pastillas” scam. Mistulang pastillas ang binalot na salapi bilang suhol ng mga Intsik na maluwag na pinapapasok sa bansa ng mga BI personnel. Itsurang ganito sana ang nais ipakain ng Pangulo sa kanila nang tawagin sila sa Malakanyang at bigyan sila ng mga ito pero hindi niya itinuloy. Ayon kay Sec. Guevarra, simbolo lang ang ginawang ito ng Pangulo at pinangaralan na lamang niya ang mga ito.
Sa nasabing pulong, bilang, pagtupad, aniya, sa kanyang pangako, pinangalanan ng Pangulo ang mga opisyal o empleyado ng BI at Department of Public Works and Highways (DPWH). Eh para lang napulot ng Pangulo ang mga pangalan sa mga balitang lumabas na. Kasi, hindi pa niya pinapangalanan ang mga ito, nabanggit na ang kanilang mga pangalan at partisipasyon sa katiwalian sa mga naganap nang imbestigasyon. Ang iba ay nasampahan na ng mga kaso sa tanggapan ng Ombudsman.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinarating ng Pangulo ang mensaheng itigil ang korupsyon. Nang gawin niya ito, aniya, lahat ng mga tao sa gobyerno ay nakuha ang mensahe. Kahit ba makuha ng mga taga-gobyerno ang mensahe ng Pangulo sa kanila na itigil ang korupsyon, hindi ako naniniwala na paniniwalaan pa siya. Eh simula pa lang ng kanyang panunungkulan ganito na ang kanyang mensahe. Katunayan nga, paulit-ulit niyang sinasabi kapag may pagkakataon na makaharap siya sa bayan na “I hate corruption.” Pero, napigil ba ito? Lumubha nga, kaya inatasan niya ang DOJ na pamunuan ang imbestigasyon hinggil sa anomalya sa lahat ng tanggapan ng gobyerno. Walang magandang ibubunga ang kahit anong klaseng imbestigasyon ang gawin ng kahit sino at kahit gumamit na ng masamang pananalita ang Pangulo, o kahit magalok pa siya ng pabuya na kanyang ginawa ngayon. Kasi, maliwanag na wala siyang sinseridad. Tingnan ninyo dito sa pastillas scam, ayon kay Sen. Hontiveros, wala sa pinatawag at pinangalanan ng Pangulo ang mastermind nito. Wala rin dito ang pinuno ng BI. Sa napakahirap na intindihing katwiran ng Pangulo, kung katwiran itong matatawag, nililinis na niya kaagad ang pangalan ng mga mismong pinuno ng mga ahensiya na talamak ang katiwalian, tulad ni Health Sec. Francisco Duque ng PhilHealth at Sec. Mark Villar ng DPWH. Sa palagay kaya niya mga tanga ito na hindi alam ang nangyayari sa kanilang nasasakupan. Kung ang mga magandang pelikula sa Amerika ay kinikilala at pinararangalan ng Oscar o Grammy Award, sa ating bansa ng Famas award, ang nangyari sa Malakanyang nitong Lunes ng gabi, ng Pulse Asia. Kaya, pinasok na naman ang bansa ng mga mapaminsalang bagyo.