INAASAHANG walang malaking pagbabago ang magaganap sa ugnayan ng Pilipinas sa United States sa pagkahalal ng bagong pangulo ng US. Nananatili tayong mahigpit na kaalyado ng US, bagamat bumuo rin tayo ng bagong ugnayan sa China. Napanatili ni Pangulong Duterte ang malapit na relasyon kina US President Trump at China President Xi Jinping. Mapananatili niya ang katulad na ugnayan kay President Biden.
Maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ang higit na nangangamba sa lalim na kinabagsakan ng ekonomiya ng mundo dahil sa pandemya. Inaasahang sa pagwawagi ng Democratic Party sa eleksyon bubuti ang relasyon ng US sa China na magpapalakas ng kalakalan ng daigdig at internasyunal na ekonomiya.
Iniulat ng mga ekonomista sa Pilipinas nitong nakaraang linggo ang pagsasara ng piso sa pinakamalakas nitong lebel sa nakalipas na apat na taon, dulot marahil ng positibong sentimyento sa global stock markets, na pinalakas, anila, ng pagwawagi ni Biden.
Inaasahan din ang mas maluwag na US immigration policies na pakikinabangan ng mga Overseas Filipino Workers kasama ang inaasahang pagtaas sa outsourcing ng American companies. Magpapalakas ito sa pagpasok ng foreign exchange at makatutulong sa bansa na makabangon mula sa recession na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Kinakikitaan ding magreresulta ang nalalapit na Biden administration sa mas bukas na Amerika para sa mga Pilipinong manggagawa. Mula Enero, 2019, ipinagbawal ng US Homeland Security ng Trump administration ang pagtanggap ng mga Pilipino at mamamayan ng ilang bansa ng H-2A at H-2B visas na kailangan ng mga migrant workers para makapagtrabaho pansamantala sa sektor ng agrikultura, construction, hotel, at resorts. “We are hoping that under the Biden administration, the Philippines will be returned to the list of countries whose nationals are eligible for the special migrant work visas,” pahayag ni Deputy Speaker Johnny Pimentel ng Surigao del Sur.
Para rito at sa maraming iba pang rason, ikinagagalak natin batiin ang bagong US administration. “On behalf of the Filipino nation, President Duterte wishes to extend its warm congratulations to former Vice President Joseph “Joe” Biden on his election as the new president of the United States of America,” pahayag ni presidential spokesman Harry Roque nitong Linggo.
Nagpaabot din ng mainit na pagbati ang mga lider ng ibang mga bansa sa buong mundo, kasama ang pagpapahayag ng pag-asa ng pagkakaisa at kooperasyon makalipas ang apat na taon ng paghihirap sa administrasyon ni Trump. Isang bagong panahon ng pag-asa ang sumisikat sa buong mundo sa pagkahalal ng bagong pangulo ng US.