KAHIT bahagyang nababalot ng kontrobersiya ang paggamit ng “mail in ballots” sa katatapos lang na presidential election sa US, isa ako sa mga naniniwalang naging kasangkapan ito upang mailayo sa naka-ambang panganib ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang milyun-milyong botanteng Kano na magsisiksikan sana sa mga voting center.
Kaya naman sa tinamong tagumpay nito – na sa umpisa pa lang ng kampanya ay todo namang tinututulan ng kampo ni US President Donald Trump dahil magiging pugad daw ito ng dayaan – pinag-iisipan tuloy ito dito sa atin ng ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan, na gamitin din bilang sagot sa magiging problema sa 2022 election kung may pandemiya pa ring nananalasa.
Ang sistema ng “mail in ballots” voting ay paraan nang pagboto, sa pamamagitan ng koreo o postal service – ‘di na pupunta sa presinto -- para ‘di na makipagsiksikan sa voting centers ang mga registradong botante.
Isa sa diretsahang nagpakita nang pagtutol sa paggamit nito sa parating na eleksyon sa bansa, ay si Congressman Robert “Ace” Barbers, Rep 2nd district of Surigao del Norte.
Ito ang mariing sagot niya sa tanong ng mga mamamahayag sa nakaraang lingguhang Balitaan sa Maynila news forum: “Kung gagamitin ang ‘mail in ballots’ voting, tiyak hindi maiiwasan pati ang mail box ay nakawin o agawin, maski nga ballot boxes na mismo sa remote areas ay kinukuha.”
Ipinaliwanag ni Rep Barbers na magkaiba ang kultura at kalagayan sa pamumuhay ng mga Amerikano at nating mga Pilipino – na ang palaging namamayani tuwing magkaka-eleksyon ay ang pagkakampihan, kilingan at suhulan upang manalo.
Sang-ayon naman si Rep Barbers na naging malaking tulong ang sistema ng ‘mail ballots voting’ sa nakaraang US election, upang ‘di magkahawaan sa COVID-19 ang mga taong mismong sa polling center sana magsisiboto .
Kaya naman nag-iwan nang mariing paalala si Barbers sa pamunuan ng Commission on Elections (COMELEC) na mag-isip ng ibang gimik – gamit ang mga makabagong gadget at pamamaraan -- kung paano tayo makaka-adjust sa panahong ito na matindi pa rin ang pananalasa ng COVID-19, para ma-proteksyunan ang mga botante sa parating na halalan.
‘Di naman agad ibinasura ni Barbers ang panukala na dagdagan ang itinakdang araw ng halalan – extend lang ng ilang araw -- upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga tao sa polling precincts. Basta ang kailangan lang ay kunin ang saloobin ng mga kababayan natin – masusing pag-aaral ang kailangan dito -- kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang lugar.
Tutol din si Senate President Vicente Sotto III sa sistemang ito na madali raw dayain. Mariing sabi niya: “I’m not in favor. It’s the easiest system of voting to cheat. Sino tatanggap nationwide? Saan ipadadala? Post Office? Kailan bibilangin? Sino bibilang? Paano kung may mag-leak ng results whether true or fake? Any of those procedures can be cheated!”
Hirit pa ni Sen Sotto – na katulad rin ng kay Rep Barbers -- ay timbangin na maigi kung uubra sa ‘Pinas ang sistemang ‘mail-in voting’ kahit na ito ay epektibo sa katatapos lamang na US election.
Ayon naman sa COMELEC, ang persons with disability (PWDs), senior citizens, at mga buntis ay maaaring payagan na bumoto sa pamamagitan ng sistemang ito na “with less risk of contamination during a pandemic.”
Sa kasalukuyan ay may dalawang panukala nang nakahain sa Kongreso kaugnay ng “mail in ballot” – ito ay ang House Bill 7572 ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo, at ang Senate Bill No. 1870 naman ni Senator Imee Marcos.
Magaya kaya tayo sa US election --- ABANGAN!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.