Mga Laro Ngayon
(AUF Gym-Angeles City,Pampanga)
10:00 n.u. -- Terrafirma vs NLEX
1:00 n.h. -- Meralco vs Northport
4:00 n.h. -- Magnolia vs Blackwater
6:45 n.g. -- Phoenix vs Rain or Shine
MAKATIYAK ng puwesto sa top 4 para sa hangad nilang twice-to-beat incentive sa playoffs ang tatangkain ng Phoenix sa pagsagupa sa Rain or Shine ngayong gabi sa tampok na laro ng nakatakdang quadruple header sa pagtatapos ng 2020 PBA Philippine Cup restart eliminations sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
Kasalo ng TNT sa ikalawang puwesto hawak ang barahang 7-3, habang sinusulat ang balitang ito, target ng Fuel Masters na maitala ang ika-4 na sunod na panalo upang makasiguro ng slot sa top 4 at tuloy makabuwelo patungo sa playoff round.
Hawak naman ang markang 5-4, hangad naman ng Elasto Painters na mawalis ang huling dalawang laro sa eliminations para palakasin ang tsansang umabot sa upper 4 ng team standings.
Habang isinasara ang pahinang ito kahapon, may laban ang Rain or Shine kontra TNT.
Kapag nabigo ang Rain or Shine sa nasabing dalawang laro, aangat ang NLEX at posiblw pang pumasok bilang no.8 sa playoff kung magwawagi ito sa kanilang huling laban na nakatakda ngayong 10:00 ng umaga kontra Terrafirma(1-9).
Kasunod nito, magtutuos sa ikalawang laro ang Meralco (6-4) at ousted ng Northport (1-9) ganap na 1:00 ng hapon bago ang tapatan ng Magnolia (6-4) at Blackwater (2-8) ganap na 4:00 ng hapon.
-Marivic Awitan