MABILIS talaga ang takbo ng panahon. Aba’y kauupo pa lamang bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) ni General Camilo Pancratius Cascolan, at ‘di pa nga yata nag-iinit ang tumbong sa upuan sa loob ng nakaraang 60 araw, heto’t pinag-uusapan at hinuhulaan na kung sino ang ipapalit sa kanya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Mismong si Interior Secretary Eduardo Año ang nagpahayag na isinumite na niya sa Pangulo ang pangalan ng tatlong opisyal ng PNP – batay sa kanilang seniority, track record, career assignments, performance in field and office duties, at leadership skill – kaya inaasahang sa susunod na mga araw sa linggong ito ay may mauupo ng bagong Chief, PNP sa Camp Crame.
Ani Secretary Año: “The recommendation will directly go to the President. Of course it will be coursed through Executive Secretary (Salvador) Medialdea. But in this kind of circumstance, it needs quick action.”
Nang hingian si Secretary Año ng clue kung sinu-sino ang mga inirekomenda nito, mariin ang tugon niya: “I don’t want to give descriptions because it can confirm guesses easily. The only thing important is that they are senior PNP officials. This recommendation was a resolution of the National Police Commission (Napolcom) so this is a collegiate decision.”
Kahit walang binanggit na pangalan si Año, ang hula ko ay tatlo sa apat na opisyal na nasa listahan kong ito -- sina Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy director for administration; Lt. Gen. Cesar Binag, deputy director for operations, Maj. Gen. Joselito Vera Cruz, chief of the directorial staff, at NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas – ang pasok sa listahan niya.
Sina Eleazar at Binag ay kapwa miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class 87, at parehong magreretiro pagdating nila sa mandatory retirement na 56 sa 2021. Si Eleazar sa Nobyembre, samantalang si Binag ay sa Abril. Si Vera Cruz, ang mas bata sa tatlo ay kabilang sa PMA Maringal Class 88 at sa Marso 2022 pa magreretiro.
Yun lang, sa listahan ko ay dehado sa lahat si Maj. Gen. Sinas – pero kuwidaw, sabi ng isang tiktik ko sa Palasyo ay kasama siya sa dalawang ipinatawag ng Pangulo. Siya ay miyembro rin ng PMA Class 87 at malapit na ring magreretiro.
Ang isa pang opisyal na ipinatawag sa palasyo, siyempre ang manok ng maraming taga-media -- dahil sa madaling kausap sa mga kailangang reaction sa mga breaking news – si Lt. Gen Eleazar!
Ito naman ang napansin ko ngayong napipinto na ang pagreretiro ng nakaupong CPNP at ang paglitaw ng mga pangalan ng papalit dito – tahimik ang buong tabakuhan, walang pang “psywar operations” na mga press release, na halatang banat sa ilang opisyal na kandidato sa pagka-CPNP.
Di gaya noong mga nakaraang pagpapalit ng pinuno ng PNP, na namamayani ang ingay mula sa iba’t ibang kampo – naglalabasan ang baho ng mga kandidatong opisyal – na ang may pakana ay ang mga supporter na “special friends” ng mga ito. Ang layon siyempre – ay maprotektahan ang kanilang mga personal na interest, legal man o ilegal, sa organisasyon ng PNP, kapag ang naupo ay ang manok nila!
Sa madaling sabi, makikita ang pagiging professional ng mga kandidato sa pagka-CPNP sa ngayon – sana nga ay ganyan sila talaga – hindi nag-iingay bagkus ay naghihintay na lamang kung sino sa kanila ang pipiliin ng Pangulong Duterte.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.