OPISYAL nang kumalas ang United States nitong Miyerkules, Nobyembre 5, mula sa Paris Climate Change Agreement na binuo ng mga bansa sa mundo noong 2015. Ito ang pagtatapos ng isang taong notice of withdrawal na ipinadala ni President Donald Trump sa UN noong Nobyembre 4, 2019.
Kaya naman wala nang magiging bahagi ang US sa United Nations Climate Summit na pangungunahan ng United Kingdom sa Glasgow, Scotland, ngayong Disyembre 12, sa ikalimang anibersaryo ng makasaysayang Paris agreement. Sa naturang kumperensiya, nagsumite ang 185 bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas, ng indibiduwal na plano upang makatulong na mabawasan ang carbon emissions mula sa mga industriya sa mundo, na nagpapataas sa global na temperatura, tumutunaw sa mga polar glaciers at nagpapataas sa lebel ng karagatan.
Opisyal na nagpaabot ng abiso si US President Donald Trump hinggil sa pagkalas ng US sa kasunduan noong nakaraang taon, bagamat Amerika ang ikalawa sa pinakamalaking producer ng carbon emission sa mundo—sunod sa China. Ngunit si President Trump, na tagapagsulong ng fossil fuel industry, ay hindi naniniwala sa banta ng climate change. Kaya naman, isang pagtalikod sa lahat ng bansa sa mundo, ibinasura ng US ang kasunduang napagdesisyunan ng 185 bansa at ang lahat ng rekomendasyon nito.
Gayunman, sa gitna nang naganap na US presidential election, matapos ideklarang bagong pangulo ng US si Democratic candidate Joe Biden, bagamat hindi pa opisyal, kontra kay Republican candidate Trump, maaaring hindi na magtagal ang pagkalas ng US sa Paris Agreement .
“Today the Trump Administration officially left the Paris Climate Agreement,” pahayag ni Biden nitong Huwebes. “In exactly 77 days, a Biden Administration will rejoin it.” Ito ang magbabalik sa US sa ranggo ng mga bansa sa mundo na nagsisikap na masolusyunan ang problema sa climate change.
Dalawang bansa ang nag-anunsiyo na ng kanilang plano at pangako na tutulong na makamit ang hangarin ng Paris Agreement. Nitong Setyembre 22, inanunsiyo ni President Xi Jinping ng China sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly na wawakasan ng kanyang bansa ang carbon emission nito pagsapit ng 2060. Kasunod nito, Oktubre 26, nagpahayag ng katulad na pangako si Prime Minister Yoshide Suga para Japan, sa mas maagang tunguhin—na 2050.
Nitong Huwebes, sinabi ni Biden na maglalaan ang Biden administration ng $1.7-trillion budget upang makamit ang hangarin nitong zero carbon emission pagsapit ng 2050. Sa tiyak na pangakong ito kasama ang palugit na itinakda ng China, US, at Japan—ang nangungunang sources ng carbon emissions sa mundo—inaasahan ang malaking kahalagahan ng nalalapit na kumperensiya sa Glasgow.
“The climate emergency is upon us and we have no time to waste,” pahayag ni UN Secretary General Antonio Guterres, sa gitna ng mga senyales na nalalayo ang mundo sa hangarin nitong malimitahan ang pagtaas ng global na temperatura sa 1.5 degree above pre-industrial levels. Ang naging pangako kamakailan ng China, US at Japan ay dapat na makatulong upang maitaas ang diwa ng mga opisyal ng kumperensiya.