Mga Laro Ngayon
(AUF Gym-Angeles City, Pampanga)
4:00 n.h. -- TNT vs Meralco
6:45n.g. -- Rain or Shine vs Magnolia
NALUSUTAN ng Terrafirma ang ratsadang ginawa ng Blackwater sa second half upang maigupo ang Elite, 110-101, para sa una nilang panalo sa ginaganap na 2020 PBA Philippine Cup restart kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
Pagkaraang mawala ang 11-puntos na kalamangan sa first half at hayaan ang Blackwater na kontrolin ang third period, nagawang makabalik ng Dyip sa pamumuno nina CJ Perez at Juami Tiongson upang iposte ang una nilang tagumpay sa loib ng walong laban.
Dahil sa kanilang pagwawagi, nagwakas na rin ang mahigit isang taon na pagkauhaw ng koponan sa panalo na huling namayani noong Oktubre 25, 2019 kontra Phoenix, 106- 104 sa nakaraang Governor’s Cup.
Nabawi nila ang bentahe matapos ang dalawang sunod na tres nina Tiongson at Roosevelt Adams , 86-83, sa simula ng fourth period.
Buhat doon, napanatili ng Terrafirma ang kalamangan na pinalobo pa nila sa 108-101 matapos ang isa uling triple ni Tiongson, may 1:15 na lamang ang natitirang oras sa laban.
Muling nanguna si Perez para sa Dyip sa ipinoste nitong 27 puntos, 4 rebounds, 3 assists, 3 steals at 1 block kasunod si Adams na may 20 puntos at 16 rebounds at Tiongson na may 19 puntos.
Ang kabiguan ang ikalimang sunod ng Blackwater na bumagsak sa markang 2-6 panalo-talo sa standings.
-Marivic Awitan