Dahil sa kalat na ang kurapsyon sa gobyerno, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, inatasan niya ang Department of Justice (DOJ) na magtatag ng interagency task force na pamumunuan nito para magsagawa ng imbestigasyon. Ang problema, kasama ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa DOJ ay ang kanyang undersecretary na si Emmeline Aglipay-Villar. Ayon dito, sisimulan ang imbestigasyon sa mga transaksiyon na nagkakahalaga ng P1 bilyong pondo ng bayan. Napagkaisahan namin, aniya, na uunahin ang limang ahensiya na naunang binanggit ni Sec. Guevarra na pinaka-korap– ang Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Land Registration Authority, PhilHealth Insurance Corp. at Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang DPWH ay siyang binanggit ng Pangulo na talamak sa korupsyon nang iutos niya ang malawakang imbestigasyon. Eh ang kalihim nito ay si Mark Villar na, ayon sa Pangulo, ay hindi sangkot sa anomalya dahil mayaman ang angkan nito. Pero, siya ay asawa ni Undersecretary Villar na kasama ni Sec. Guevarra sa DOJ na mamumuno ng imbestigasyon. Kasama, aniya, ang kanyang asawa sa direktiba ng Pangulo na imbestigahan ang malawakang katiwalian. Ang sinabi ng Pangulo hinggil sa kanyang asawa ay paghahayag lamang ng tiwala sa kanya.
Dumako naman tayo sa Kamara kaugnay sa korupsyon na, ayon sa Pangulo ay laganap na. Iminungkahi ni House appropriations committee chair ACT-CIS Rep. Eric Yap na gamitin ng House of Representatives ang kanyang kapangyarihan na ilipat ang pondo na nasa kamay ng mga tiwaling opisyal. Halimbawa, aniya, alisin ang intelligence fund ng deputy commissioner ng Bureau of Customs at ilipat ito sa modernization program ng BoC. Ang pondo ng PhilHealth ay ilipat sa ibang ahensiya ng Department of Health tulad ng Medical Assistane for Indigent Patients. Sa ganitong paraan, kahit paano, ay nakaambag ang Kongreso sa paglaban sa katiwalian, aniya.
Modelo talaga ng mga nasa gobyerno si Pangulong Duterte na kung tratuhin ang mamamayan ay madaling mapaniwala. Sa palagay kaya ninyo may tinutuntong matinong dulo ang gagawing imbestigasyon ng DOJ sa DPWH na kasama ng kalihim ang kanyang undersecretary na maybahay naman ng pinuno ng iimbestigahan? Totoo, nilihis na sa pagkakasangkot sa korupsyon si Sec. Mark Villar, pero iimbestigahan pa rin siya, ayon sa kanyang maybahay na si DOJ Undersecretary Villar. Paano kung sa pagiimbestiga, may mga ebedensiyang nagpapahamak sa kanyang asawa? Nais bang papaniwalain tayo ni DOJ Undersecretary Villar na wala siyang gagawin at hahayaan lang dumaloy ang proseso hanggang maipit ang kanyang asawa? Hindi dapat nasa grupo ng magiimbestiga sa DWPH ang undersecretary dahil kahit sabihin niyang magiging patas siya, ay mahirap paniwalaan. Lalong mahirap paniwalaan kung siya mismo ang magsasabi na walang ebedensiya laban sa kanyang asawa.
Kay Cong. Yap nakikita niya ang butas ng karayom pero hindi ang butas ng palakol, o kaya ay nagmamaang-maangan na lang siya na hindi niya nakikita ito. Kasi, ang mga mambabatas ang nangunguna a kurapsyon. Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang magkaroon ng kani-kanilang sariling pondo na kung tagurian ay pork barrel. Nakalaan ito sa kanilang proyekto na kinukunan nila ng porsyento o kickback. Higit na nararapat ang mungkahi ni Cong. Yap sa kanyang sarili at kapwa mambabatas na alisin sa budget ang pondong inilaan sa kani-kanilang distrito dahil ito ang tamang gawin. Ang tungkulin nila ay gumawa ng batas at hindi mamorsyento. Ininsulto lamang nila ang bayan.
-Ric Valmonte