MAPAPALABAN ang E-Gilas Pilipinas laban sa pinakmahuhusay na e-gamer sa mundo sa paglarga ng FIBA ESports Open sa Nobyembre 14- 15.
Ayon sa International Basketball Federation, may 38 national teams ang lalahok sa ikalawang edisyon na binubuo ng pitong regional conferences na gaganapin sa loob ng tatlong weekends.
Mula sa 17 national teams na lumahok noong unang international esports competition noong Hunyo, nadoble ang bilang nito kung kaya naman buhat sa tatlong araw na itinagal nito noong unang edisyon ay idaraos ito sa loob ng anim na araw sa ikalawang edisyon sa lahat ng FIBA regions.
Gaya noong una,bawat team ay mayroong pitong manlalaro: lima ang nasa court habang ang dalawa ay reseves.
Ang PS4 Game ay lalaruin sa NBA 2K21, gamit ang Pro-AM mode.
Ang mga regional conferences ay itinakda ng naaayon sa geographical conditions at server distributions.
Kasabay ng Southeast Asia conference kung saan kabilang ang E-Gilas ang Africa at Middle East.
Ang Europe conference ay nakatakda sa Disyembre 12-13 habang ang North and Central America at South America conferences ay magaganap sa Disyembre 19-20.
Ang Finals sa lahat ng FIBA Esports Open II conferences ay best-of-three format.
“The first-ever FIBA Esports Open was an important milestone. The growing interest received from our National Federations is additional motivation for FIBA to further develop esports, and we are very enthusiastic for this second edition,” pahayag ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis.
Gaya ng unang FIBA Esports Open,ang jabuuan ng series ay ipu- produce mula sa FIBA Esports Studio sa Riga, Latvia, kung saan ang 54 hours ng live content ay mapapanood sa FIBA Facebook page, Twitch at YouTube channels.
Nagsipagwagi ang Australia, Argentina, Italy, Philippines at Saudi Arabia sa kani-kanilang conferences noong unang edisyon.
-Marivic Awitan