Nitong nakaraang Lunes, naka-helicopter na nagtungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Bicol region na masyadong sinalanta ng bagyong Rolly. Lumapag siya sa Guinobatan, Albay kung saan niya sinabihan ang mga residente na ang Bicol ay laging mapipinsala dahil daraanan ito ng bagyo. Kasi, aniya, nakaharap ito sa Pacific Ocean at naririto ang bulkan. Hindi ko makita ang kaugnayan ng bulkan sa laging pagtama ng bagyo sa rehiyon. Pero, ang maliwanag, kahit paano, nagpakita ang Pangulo dahil noong bago o kasagsagan ng pinakamalakas na bagyo na nabuo sa buong daigdig, hinahanap siya. Nasa Davao pala siya at nagtuloy sa Malakanyang upang humarap at magpakita sa mamamayan. Bakit nga naman hindi hahanapin ang Pangulo, eh noong bago pa lang siyang nanunungkulan, may insidenteng pinasok din ng malakas na bagyo ang bansa. Bago pa lang pumasok ito, pinulong na niya ang kanyang Gabinete at dito ipinakita ng mga taga-PAGASA ang landas na tatahakin ng bagyo kapag pumasok na ito sa area of responsibility. Ipinaliwanag ng taga-PAGASA ang dami ng ulan na ibubuhos nito at tindi ng hangin na dala nito at ang epekto nito sa kanyang daraanan. Sa pulong na ito nag-utos siya sa kanyang mga opisyal na maghanda at gumawa ng mga hakbang upang mailigtas sa sakuna ang mamamayan at kung paano sila matulungan sa panahon na rumaragasa na ang bagyo at pagkatapos na ito ay makapinsala.
Baligtad ang nangyari ngayon dito sa bagyong Rolly. Hindi nakita ang Pangulo. Walang pulong at paghahanda na kanyang ginanap, tulad ng ginawa niya noon. Nangyari ang pulong nang bumalik siya mula sa Davao pagkatapos niyang magpakita sa Guinobatan, Albay. Wala na ang bagyo. Nakapanalasa na ito at nakapinsala na nang lubusan. Sa pulong na ito, naririto rin ang taga-PAGASA. Ipinaliwanag niya kung saan nagdaan ang bagyo at ang dami ng ulan at lakas ng hangin na kanyang dala. Ang utos lang na
narinig sa Pangulo kaugnay ng kanyang pagdalaw sa Guinobatan ay tingnan ni DENR Sec. Cimatu ang reklamo ng mga residente hinggil sa nagku-quarry sa tabi ng bulkan dahil ang mga bato at putik na galing dito ay inagos sa kanila ng tubig-ulan. Eh matagal na palang inereklamo ito ng mga residente.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipagpatuloy ng gobyerno ang layunin nitong zero casualty na bagamat hindi natupad ito ngayon, ang pwersahang pagpapalikas sa taumbayan ay nakabawas ng bilang ng mga namatay sa panahon ng pananalasa ng bagyo. Anong gobyerno ang sinasabi ni Roque. Sa totoo lang, ang mamamayan ay silang kusang lumikas sa kanilang kinalalagyan dahil nasanay na sila na wala namang tulong na maaasahan sa gobyerno maliban sa ilang mga pulitiko. Sa totoo lang wala namang opisyal ng gobyerno lalo na si Pangulong Duterte ang nakita ng mamamayan bago at sa panahong pinipinsala sila ng bagyo. Para maipakitang nagmamalasakit ang gobyerno, may pinagpapaliwanag si DILG Sec. Ano na mga local officials dahil wala sila sa kanilang bayan para tumulong sa kanilang mga kababayan sa panahong ito. Ganito ang paraan ng administrasyon para mapaniwala ang Pulse Asia hinggil sa pagsu-survey sa approval at trust rating.
-Ric Valmonte