BINAYO at sinagasaan ng Typhoon “Rolly”, itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong taon, ang maraming lugar sa bansa at ang napuruhan nito ay ang Southern Luzon. Batay sa inisyal na report habang sinusulat ko ito, may 10 tao pa lang ang namatay at marami ang nawawala. Inaasahang baka dumami pa ang biktima kapag nakumpleto ang mga report.
Hindi lang malakas na hangin at matinding pag-ulan ang dala ni Rolly. Dahil sa malakas na pag-ulan, nagresulta ito sa pagdausdos ng lahar mula sa taluktok ng Mayon Volcano at grabeng pagbaha sa Albay. Marami ang napinsala sa rumaragasang lahat na nakaimbak sa mga daanan ng Mayon.
Ang Rolly ay may international name na Goni. Sinabi ng PAGASA na posibleng sumunod sa kanya ang Tropical Storm Siony (international name Atsani), bagamat ayon sa state weathermen baka hindi naman ito makaapekto sa bansa sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw. Ewan ko kung dumating na si Siony ngayon.
Maging ang Metro Manila ay dumanas ng pag-ulan at malakas na hangin nang ang mata ng bagyo ay nagdaan malapit sa MM. Sana, hindi marami ang biktima ni Rolly kapag nakumpleto na ang mga report at sana rin ay hindi masyado ang pinsala sa mga pananim at ari-arian, lalo na ngayong nananalasa pa ang COVID-19 sa Pilipinas.
Nakaraos na ang paggunita sa Araw ng Mga Banal (All Saints’ Day) at Araw ng mga Kaluluwa (All Souls’ Day). Bagamat hindi nakapunta sa mga sementeryo at nadalaw ang mga puntod ng yumaong mga mahal sa buhay, ang mahalaga ay naipagdasal sila. Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang mga alaala ng nagsiyao ay dapat na lalong magpatibay sa ating pagkakaisa, pagmamahalan at pagkakaisa.
Sa kanyang homily noong Linggo (Nob. 1) kaugnay ng All Saints’ Day, sinabi ni Archdiocese of Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo, kahit hindi nakadalaw sa libingan ang mga mananampalataya hindi dapat na mapigilan silang gunitain ang okasyon na ito.
Ipinasara ang mga sementeryo ng IATF for the Management of Emerging Infectious Diseases upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4. “Our inability to go to the cemeteries at this time, deepen the meaning of our tradition for All Saint’s Day and All Souls’ Day. Ito ang panahon na ginugunita natin ang mga yumao, na patuloy na pinagkakaisa tayo bilang isang pamilya, sa pamamagitan ng ating mga panalangin sa Panginoon sa layuning tayo ay maging banal din at magkasama-samang muli sa langit,” ani Pabillo.
Sa larangan ng pulitika, tapos na ang halalan sa panguluhan sa United States. Sino kaya ang nanalo kina President Donald Trump at ex-Vice Pres. Joe Biden? Si Trump ay Republican samantalang si Biden ay Democratic.
Sino man ang nanalo sa dalawa, congratulations. Dapat ipagpatuloy ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa US. Dapat ding maging kaibigan natin ang ibang mga bansa, tulad ng China at Russia, sapagkat ang pakikipagkaibigan ay higit na mabuti kaysa pakikipag-away!
-Bert de Guzman