NAGDEKLARA ng moratorium ang Department of Energy nitong Linggo para sa endorsement ng coal power plant, matapos ang periodic assessment nito para sa kinakailangang enerhiya ng bansa.
“I’m optimistic this would lead to more opportunities for renewable energy to figure prominently in our country’s energy future,” pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi. Hindi apektado ng moratorium ang ilang proyekto na nakapangako na o sumasailalim na proseso ng pagpili.
Ang desisyon ng DOE para sa isang moratorium sa mga bagong coal power plant ay kaugnay ng naging pangako ng bansa sa Paris Climate Agreement noong Disyembre, 2015, nang sumang-ayon ang 195 bansa na gumawa ng kanya-kanyang hakbang upang mahinto o mapigilan ang pagtaas ng temperatura ng mundo dulot ng carbon emission mula sa mga industriya. Kabilang ang mga coal-fueled factories sa pangunahing pinagmumulan ng carbon emission kasama ng mga pabrika na pinatatakbo ng langis at gas.
Kailangan ng Pilipinas ang mga power plant para sa pagpapalago ng bansa, coal ngayon ang may pinakamataas na bahagi sa mga proyekto ito na may 3,991 megawatts, kasunod ang natural gas plants sa 1,750 megawatts, battery storage plants sa 989 megawatts, at oil-based plants sa 425 megawatts.
Nagsisimula na tayong mag-develop ng mga renewable energy projects. Aprubado na sa DOE ang 255 megawatts para sa wind-power projects, 179 megawatts para sa biomass projects, at 132 megawatts para sa wind projects. May dalawa pang potensiyal na pagkunan ng renewable energy –ang hydro at geothermal – ngunit walang bagong proyekto para sa dalawa.
Kasalukuyang China at United States ang nangungunang producer ng carbon emission sa mundo. Nangako kamakailan ang China na ihihinto ang paglalabas ng carbon emissions pagsapit ng 2060.
Sinundan ito ng Japan na may katulad na pangakong nais tuparin pagsapit ng 2050.
Sa kasamaang-palad, kumalas ang US sa Paris Agreement noong 2017 at patuloy na nangungunang producer ng carbon pollution na nagpapataas sa temperatura ng mundo.
Minorya lamang ang ambag ng Pilipinas sa carbon pollution ng mundo, ngunit ginagawa nito ang kanyang bahagi gamit ang mga programa sa pagbuo ng mga renewable sources ng enerhiya. Nananatiling coal plants ang pangunahing pinagkukunan ng kuryente nito para sa mga pabrika dahil ito ang pinakamura, ngunit may polisiya na tayong inilatag ngayon upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa coal at sa halip ay higit na umasa sa sun, wind, geothermal, at ibang renewable sources ng enerhiya.
Ang naging desisyon kamakailan ng Department of Energy para sa moratorium sa mga bagong coal plants ay may kaugnayan sa bagong polisiya at umaasa tayo na patuloy itong tatahak sa tamang direksyon sa hinaharap.