Ni Edwin Rollon

HABANG naghahanda ang sambayanan sa paparating na kambal na bagyo, may mangilan-gilang pa ring pasaway na ang inaatupag ay sumabak sa ilegal na pasugalan.

Ngunit, hindi nagpapabaya ang Games and Amusements Board (GAB) Anti-Illegal Division para masawata ang grupo at indibidwal na patuloy na lumalabag sa kaayusan at ipinatutupad na batas.

Nitong gabi ng Oktubre 31 (Sabado), sa pakikipagtulungan ng Makati City Police Station (MCPS) Intelligence Section na pinamumunuan ni PEMS OIC Donie D. Tidang at mga operatiba ng Olympian Sub-Station, sinalakay ang illegal bookies sa 4883 Chino Roces St., corner Barasoain St. sa Brgy. Olympia, Makati City.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bago ang isinagawang pagsalakay, nakipag-coordinate ang GAB-AID, sa pamumuno ni Glenn Jones Pe, sa Makati Police matapos matanggap ang impormasyon sa patuloy na pagsasagawa ng ilegal bookies sa naturang lugar.

Kaagad na nagbuo ng raiding team at sa maingat at maayos na operasyon naaktuhan ang ilang kalalakiha na nagsasagawa ng ilegal bookies. Kaagad na dinampot ang dalawang suspect, gayundin ang ilang mananaya para papanagutin sa batas.

Nakuha ng operatiba sa ilegal bookies ang mga ebidensya tulad ng dalawang TV monitor, betting paraphernalias, dividendazos at at iba pang kagamitan.

Mula nang ibalik ang horseracing at sabong ng Inter-Agency Task Force (IATF) isang mahalagang panuntunan ang ‘health and safety’ protocol sa lahat ng sangkot sa industriya kung kaya’t inilunsad ng mga premyadong horceracing club at cockpit arenas na pawang nasa pangangasiwa ng GAB ang online betting.