Isinusulong ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna party-list group na talakayin at pagtibayin agad ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng mga ligtas na evacation centers.
Nanawagan si Zarate sa kasamahang mga mambabatas kasunod ng pagbayo ng super typhoon “Rolly”’sa Bicol region, na kung saan libu-libong tao ang nagsituloy at nagsisiksikan sa mga temporaryong masisilungan.
“Up till now evacuees are staying in basketball courts, schools and churches. Even President Duterte has seen the problem himself and vowed to construct more evacuation centers early this year and with this we hope that House Bill 5259 would also be fast-tracked,” diin ni Zarate.
Aniya, sapul pa noong super typhoon Yolanda, isinusulong na ng Makabayan bloc ang pagsasabatas nito upang mabigyan ng maginhawa at ligtas na evacuation centers ang mga bakwit.
Sinabi niya na dapat bigyang prayoridad ng Kongreso ang pagpapatibay ng House Bill No. 5259 o (Evacuation Centers Bill), na hindi na gagamit pa ng mga paaralan at basketball courts bilang evacuation centers.
-Bert de Guzman