LAMAN na naman ng mga balita nitong Huwebes ang bahagi ng white sand—sa totoo’y nadurog na dolomite rock—sa Manila Bay sa bahagi ng Roxas Boulevard. Ilang bahagi ng beach ang nagkulay itim, matapos mapatungan ng itim ng mga bungahing dinala ng mga alan sa bay.
Ayon kaky Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones naroon pa rin naman ang dolomite. “Due to the natural wave action of wash and backwash,” aniya, “fresh sand, stones, rocks, and other materials piled up over the dolomite sand. DENR experts who inspected the site found nine to ten inches of various sediments on top of the dolomite overlay.”
Dalawang linggo na ang nakalilipas, nang unang mapansin ng mga tao ang pangingitim ng ilang bahagi ng dolomite beach, sinabi ni DENR spokesman Benny Antiporda na kasinungalingan—bilang pagtukoy sa ilang kritisismo—na na-“washed out” ang white beach. Aniya, na”wash in” ang itim na buhangin at tumabon sa puting dolomite.
Nang unang mabatid ng mga tao ang white beach project na may pondo na P389 milyon, inisyal na reaksyon na tila hindi tama sa panahon at sitwasyon ang proyekto—sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic sa panahong maraming tao ang nawalan ng kanilang kabuhayan at ang pamahalaan ay naghahanap ng pondong maibibigay sa mga pamilyang pinaka nangangailangan.
Dinepensahan naman ito ni presidential spokesman Harry Roque at sinabing mahalaga ito sa mental health ng mga Pilipino, isang magandang adisyon sa magandang sunset ng Manila Bay. Maraming tao naman ang tinanggap na maganda ngang tingnan ang white beach.
Ngunit ngayon ang kuwestiyon ay gaano katagal ang itatagal nito. Dalawang beses sa loob lamang ng isang buwan, dinala ng malalaking alon ng bay ang itim na buhangin na tumabon sa puting dolomite. Maisasalba ito gamit ang ilang konsiderableng pagsisikap at gastos—hanggang sa muling bumalik ang malalaking alon. Maging ngayon, na dumaan ang Bagyong Rollly mula sa silangan at inaasahang dadaan sa bahagi ng Capas, Tarlac, ngayong umaga. Ang mga hangin nito ay inaaasahang magdudulot ng malalakas na alon sa Manila Bay.
Ilan pang bagyo ang daraan sa bansa, na ang bawat isa ang maghahatid ng malalakas na alon sa silangang bahagi ng bay, kabilang ang putting dolomite beach? Sinabi ng mga opisyal ng DENR na “engineering interventions” ang magpapanatili sa dolomite upang hindi ito maanod. Ngunit patuloy na dadalhin ng mga alon ang itim na buhangin at tatabon sa white beach.
Marahilang taning engineering intervention na uubra ay isang pader na tulad ng nakapalibot sa compound ng USembassy sa gilid nito. Ngunit tatanggalin naman nito ang beach. Isang mahalagang bahagi ng real estate mula sa dagat.
Malinaw na ang mga nakaisip ng white beach project ay hindi naunawaan na hindi nito kayang pigilin ang natural na puwersa ng hangin at ang dagat ay bahagi ng Manila Bay. Iniisip nila ang pagpapaganda, ang mental health, gayong ang tunay na problema ng Manila Bay ay ang polusyon sa tubig nito na dahilan kaya’t hindi ito ligtas na paglanguyan.
May panahon pa para pag-isipan ang proyekto at isalba ang P389 milyong budget na inilaan para rito. Marahil dapat na ilaan na lamang ang salapi para sa paglilinis ng bay, mapigilang dumaloy ang sewage mula sa mga kabahayan patungo sa Ilog Pasig na nagtutuloy sa Manila Bay. At ituloy ang matagal nang plano ngunit hindi pa nabubuong na sewage treatment plant.