ANG mga poster na nagsasabi na ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines ay “persona non grata” ay kumalat na sa Maynila at Cavite. Ipinaalis ang mga ito ni Maynila Mayor Isko Moreno dahil, aniya, sa panahon ng pandemya, ang kailangan ay magkaisa ang mamamayan, hindi iyong hahatiin mo sila na siyang itinataguyod ng mga poster. Kinastigo ni Presidential Legal Adviser Salvador Panelo ang alkalde dahil, kung ito man ay inilagay ni Lt. Gen. Parlade, aniya, ang mga ito ay matagal nang lumalaban sa gobyerno. Sa Cavite, ipinaalis din ang mga ganitong poster ni Gov. Juvic Remulla. Kapag, aniya, na may nakita siyang muli, siya mismo ang mamumuno sa pagtatanggal ng mga ito. Mabuti’t may mga opisyal tulad ni Mayor Isko at Gov. Remulla na maaga pa lang ay sinasalungat na ang paglalagay ng ganitong uri ng poster. Kasi, kapag ito ay hinayaan lang na mangyari, hindi magtatagal ay sasamahan na o kakabitan ng mga larawan ng mga taong tatagurian nilang kumunista o kaya ay symphatizer o protector ng CPP-NPA. Ang mga pinaslang sa Negros at Panay Island, bago patayin, ay nasa mga poster ang kanilang mga pangalan at larawan.
Ang dating education director ng human rights group Karapatan at paralegal staff member sa Negros Island ay pinatay noong Agosto 17. Isa siya sa maraming aktibista na nasa listahan ng mga terorista ng Department of Justice noong 2018. Bukod dito, ang kanyang larawan ay nasa mga posters at streamers bago siya pinaslang. Nauna rito, noong Hulyo 23, 2019, napatay ang abogadong si Anthony Trinidad sa Guihulngan City, Negros Oriental pagkatapos na ang kanyang pangalan ay lumabas sa mga poster na siya ay NPA supporter. Ganito rin ang naging kapalaran ni Iloilo City coordinator ng party list group Bayan Muna Reynaldo Porquia na binaril at napatay ng mga taong nakatakip ang mukha noong Abril 30 sa Arevalo St., Iloilo City. Ang kanyang larawan at iba pa ay nakakabit sa mga poster na nagaakusa na sila ay tagapagtanggol ng CPP-NPA. “Pero sa bagong poster na ito,” wika ni Lean, anak ni Atty Trinidad, “ang larawan ng aking ama ay wala na. Ang posters ay mistulang hit list.” Nangangamba si Clarisa Ramos, maybahay ng pinaslang na human rights lawyer Benjamin Ramos na ang pagpapairal ng Anti-Terrorism Act at patuloy na red-tagging ay magreresulta pa sa mga pagpatay. Ayon kay secretary general Clarizza Singson ng Karapatan Negros, batay sa kanilang records, 91 human rights defenders, activists, lawyers, farmers at church workers ang mga napatay mula 2017 at 88 ang mga nakapiit base sa gawa-gawang kaso.
May batayan si Lean Trinidad na sabihing hit list ang mga poster at red tagging. Kapag nagpatuloy ang mga ito magiging papel nito ag naging papel ng narcolist na naunang iwinagayway ni Pangulong Duterte noong panahong buong bagsik niyang pinairal ang kanyang war on drugs. Napakaraming napatay kabilang na rito ang alkalde ng Alburque, Leyte kahit ito ay nakapiit. Ang narcolist ay naging epektibo para maparalisa ang mga pulitiko na sumalungat sa mga kandidato ng Pangulo, o kaya para mapalitan silang tulungan ang mga ito noong nakaraang halalan. Natakot silang mapabilang sa mga nasa narcolist na tinambangan at pinatay. Sinusubukan nang ikalat ang red-tagging at posters laban sa CPP-NPA baka magkabisa rin ang mga ito sa darating na presidential elections sa tulong ng Anti-Terrorism Act. Pero, sa ginawa nina Mayor Isko at Gov. Remullya baka tumapang na rin ang mga pulitiko at labanan na ang red tagging.
-Ric Valmonte